Ni: Bert de Guzman

DAHIL binabagabag daw ng budhi, may mga police officer ang lumapit sa Simbahang Katoliko at naghayag ng kanilang involvement sa extrajudicial killings (EJKs) kaugnay ng “war on drugs” ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Handa naman daw ang Senado na makipagtulungan sa Simbahan at magkaloob ng proteksiyon sa mga pulis na nagtapat ng pagkakasangkot sa EJKs. Kinukupkop sila ng Catholic Church ngayon.

Ang tao ay nilikha sa imahe ng Diyos, ang lumalang sa kanya. Samakatuwid, ang tao ay may konsensiya hindi tulad ng mga hayop na nabubuhay lang sa pamamagitan ng instincts. Sapagkat ang tao ay may budhi, nararamdaman at nalalaman nila ang tama o mali. Maging ang isang tao o pulis na kasingtigas ng bato ang budhi, lumalambot din ito kapag alam niyang libu-libong drug pusher at user ang napapatay ng mga tauhan ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel kahit hindi NANLABAN at ang baril ay cal. 38 revolver na kalawangin at pupugak-pugak.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on public order and dangerous drugs, na kailangang magbigay ng mga detalye ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa pagbubunyag ng “reportedly conscience-stricken policemen” upang makatulong sa pagpapatigil sa EJKs. “Kung sila’y may mga pangalan, at kung may mga pulis na handang tumestigo, bakit hindi? After all, we’re after the truth,” saad ni Lacson, naging PNP chief noong panahon ni Pres. Erap.

Namumulagat ang mga mata at bumubula ang bibig sa galit ni Gen. Bato sa mga batikos na tinatanggap ng PNP mula sa mga kritiko na nagsasabing tanging mahihirap at ordinaryong mga tao lang—pushers at users—ang itinutumba ng mga pulis.

Tinawag niyang INGRATO (ingrate) o walang utang na loob ang mga kritiko na nakikinabang naman sa giyera sa droga ni PRRD dahil sila ay ligtas na nakapaglalakad sa lansangan at nakakatulog nang mahimbing sa kanilang tahanan. Tugon ng mga kritiko at tao: “Hindi kami dapat magpasalamat sa PNP sapagkat duty ninyo ang mangalaga sa amin.”

Inamin ng Malacañang na si Vice Pres. Leni Robredo ang makikinabang sakaling matuloy (at hindi isang joke only) ang hamon ni PRRD na magbibitiw siya sa puwesto kung magbibitiw rin sina SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar na ganito ang magiging scenario kapag bumaba sa “trono” si Mano Digong: Tiyak na si beautiful-legged VP Leni ang papalit na pangulo ng Pilipinas dahil siya ang legitimate successor kapag nagkaroon ng vacancy ang panguluhan.

Kawawa ang kalagayan ngayon ng dalawang opisyal ng Office of the Ombudsman na sina Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman. Sila ang naatasang mag-imbestiga sa umano’y bank transactions ng Pangulo at ng pamilya nito na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso. Ang dalawa ay nahaharap ngayon sa dalawang administrative complaints na inihain sa Malacañang.

Hindi magre-resign si Carpio-Morales sa hamon ni PDU30 na sila ay magbitiw (Digong, Sereno, Morales). Ganito ang tugon ng may “balls” na Ombudsman: “I will not be baited into abandoning my constitutional duties.” Iniimbestigahan ng Tanggapan ng Ombudsman ang mga transaksiyon sa bangko ni PRRD. Tinawag niya sina Sereno at Morales na mga “corrupt.”

Matatag ang babaeng Ombudsman nang sabihan niya si Pres. Rody: “If the President has charges against me, I will answer them in accordance with the law. I expect him to answer the charges against him in the same manner”. Sa puntong ito, naalala ko tuloy ang kasabihang: “Pikon ay talo.” Naalala ko rin ang kasabihang: “Mahirap makipagtalo (o makipag-away) sa babae.” Eh, dalawang babae ang kagalit ngayon ng ating Pangulo.