Ni: Celo Lagmay

UMUUGONG sa himpapawid at nagdudumilat sa mga pahayagan ang pahiwatig ni Pangulong Duterte hinggil sa plano niyang pagsasampa ng impeachment case laban kina Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales; kaugnay ito ng sinasabing pakikipagsabuwatan nila sa kritiko ng Pangulo tungkol sa pagpapabagsak sa administrasyon. Kaakibat ito ng maaanghang na patutsada ng Pangulo sa iba pang tumutuligsa sa kanyang pamamahala.

Ang gayong panggagalaiti ay bunsod lamang kaya ng silakbo ng damdamin o produkto ng malusog na imahinasyon? Marahil ay hindi, lalo na kung isasaalang-alang na sila ay pare-parehong mga dalubhasa sa batas at alam nila kung saan sila nakatindig.

Lagi kong sinasabi na hindi na karaniwan ang ganitong mga eksena ng patutsadahan. Matagal na nating nakagawian ang pag-ugong ng mga destabilization move o pagpapabagsak sa alinmang administrasyon. Noong panahon ng diktadurya, halimbawa, matindi ang mga kilusan upang patalsikin sa puwesto ang yumaong si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Katunayan, nagkaisa ang sambayanan upang ilunsad ang People Power revolution na naging hudyat ng pagkabuhay ng demokrasya na kinitil ng martial law. Naging simula ito ng panunungkulan ng yumaong si dating Presidente Corazon Aquino. Sinundan naman ito ng sunud-sunod na kudeta na naglalayon ding ibagsak ang kanyang administrasyon.

Maging ang pangasiwaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ay binagabag ng mga kilusan na naghahangad na lumpuhin ang kanyang pamumuno. Dangan nga lamang at ang mga ito ay mga paramdam lamang at hindi kailanman nakausad. Bigla kong naalala ang pagbibiri ni FVR: Kailangang kasama ako upang magtagumpay ang kudeta.

Sunud-sunod din ang mga pagtatangka upang ibagsak ang administrasyon ng mga dating pangulong sina Gloria Macapagal Arroyo, Joseph Estrada, at Benigno Aquino. Mahaba-haba rin ang panahon ng kanilang panunungkulan bagamat halos gibain din sila ng katakut-takot na pagtuligsa. Pagkatapos ng kanyang panunungkulan, si Arroyo ay nabilanggo sa matitinding kaso ng katiwalian; si Estrada ay sinampahan at nahatulan sa impeachment case at matagal na nakulong. Hindi ko pa matiyak kung ano naman ang magiging kapalaran ni Aquino kaugnay ng kanyang panunungkulan. At lalong hindi ko alam kung hanggang saan makararating si Duterte hinggil sa kanyang mistulang pakikidigma sa kapwa niya matataas na lingkod ng bayan.

Ang nakagawiang pagpapabagsak sa mga halal na opisyal sa gobyerno – at maging sa mga pribadong sektor – ay talamak din sa mga LGUs (Local government Units). Matindi rin ang bangayan ng mga gobernador, mayor at maging sa pamunuan ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK). May mga pagkakataon na ang ganitong mga pag-iiringan ay naging malagim sa kabila ng katotohanan na sila ay halos kabilang sa iisang pamilya.

Sa nakagawiang pagpapabagsak sa gobyerno, asahan natin na ito ay nakaangkla sa umiiral na mga batas, lalo na sa Konstitusyon.