Nagbabala ang Department of Energy (DOE) nitong Huwebes, Abril 30, 2026, na posibleng magkaroon ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, bunsod ng patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar ng Estados Unidos.
Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, batay sa paunang galaw ng kalakalan ng langis sa pandaigdigang merkado, nakikita ang posibleng pagtaas sa pump prices, bagama’t limitado pa sa ilang araw ang datos na sinusuri.
“Mukhang yung trend so far, sa bagay tatlong araw pa lang. Pero mukhang paakyat siya. So baka may oil price hike tayo next week,” ani Garin sa panayam ng isang TV news program.
Suportado rin ito ng mga source sa industriya na umaasang magkakaroon muli ng dagdag-presyo sa susunod na linggo.
Batay sa dalawang araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang ₱1 hanggang ₱3 kada litro, habang ang gasolina naman ay posibleng madagdagan ng nasa ₱1 hanggang ₱2 kada litro.
Sinabi ng DOE na patuloy pa nilang mino-monitor ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis at hihintayin ang kumpletong resulta ng trading sa Biyernes, Mayo 1, bago kumpirmahin ang eksaktong adjustment sa presyo.
Karaniwan namang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipinatutupad ito kinabukasan.
Matatandaang ilang linggo na simula nang nagkaroon ng serye ng rollback matapos ang pagkakaoron ng ceasefire sa pagitan ng Iran at United States na siyang nagdulot nang malalang tensyon sa Middle East at naghudyat ng pandaigdigang oil crisis.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?