Ni: Light A. Nolasco
SAN LUIS, Aurora - Nagwakas ang buhay ng isang 64-anyos na padre de pamilya matapos pagbabatuhin ng sariling anak ang kanyang bahay at masapol siya sa ulo sa Barangay Diteki sa San Luis, Aurora.
Ayon kay Senior Insp. Ysrael Namoro, hepe ng San Luis Police, dumulog sa kanilang tanggapan ang isa sa mga anak ni Arturo Delos Santos para ireklamo ang kapatid na si Leo Delos Santos, 29 anyos.
Batay sa salaysay sa pulisya, nais ng lasing na suspek na dumayo ng inuman at hiniram ang motorsiklo ng ama, pero hindi pumayag ang biktima.
Dahil dito, nagalit si Leo sa ama hanggang sa magtalo sila, na naawat lamang ng dalawa pa niyang kapatid.
Gayunman, bumalik pa ang suspek sa bahay ng ama at pinagpupukol ito ng bato, hanggang sa masapol sa ulo ang matanda, na nawalan ng malay.
Tumakas naman ang suspek, at pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.