April 11, 2026

Home BALITA National

HS Dy, kinilala tapang, sakripisyo ng mga bayani ngayong Araw ng Kagitingan

HS Dy, kinilala tapang, sakripisyo ng mga bayani ngayong Araw ng Kagitingan
Photo courtesy: HOR


Nagbigay ng kaniyang mensahe si House Speaker (HS) Bojie Dy III kaugnay sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong Huwebes, Abril 9.

Sa inilabas na pahayag ni Dy, binigyang-diin niya ang aniya’y giting na ipinamalas ng mga bayani ng bansa, partikular na ang mga sundalong lumaban para makamtan ng Pilipinas ang tinatamasa nitong kalayaan.

“Ngayong Araw ng Kagitingan, ginugunita natin ang tapang, sakripisyo, at pagmamahal sa bayan na ipinakita ng ating mga bayani—lalong-lalo na ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa ating kalayaan,” saad ni Dy.

Aniya, “Their courage reminds us that the freedoms we enjoy today were not given freely—they were earned through sacrifice.”

Idiniin niya ring matatagpuan daw ang tunay kagitingan sa paraan ng paglilingkod sa kapwa Pilipino, hindi lamang sa mga tensyon at girian.

“Ang tunay na kagitingan ay hindi lamang makikita sa gitna ng digmaan. Nakikita rin ito sa araw-araw na pagsisikap ng bawat Pilipino na maglingkod, tumulong sa kapwa, at magtayo ng mas maayos na kinabukasan para sa ating bansa,” anang house speaker.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanilang halimbawa upang patuloy nating mahalin, ipagtanggol, at paglingkuran ang ating inang bayan,” aniya.

“Mabuhay po ang ating mga bayani, mabuhay ang Pilipinas,” pagtatapos ni Dy.

Samantala, nauna nang magbigay ng kanilang mensahe sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan.

“Binabati ko ang buong sambayanan sa isang makabuluhan at mapayapang paggunita ng Araw ng Kagitingan,” saad ni PBBM.

MAKI-BALITA: Kahit iba na hamon: PBBM, muling nanawagan ng pagkakaisa sa Araw ng Kagitingan

“Ngayong araw, binibigyang-pugay natin ang mga magigiting na kawal na nanindigan sa Bataan. Ang kanilang sakripisyo ay hindi lamang pagpapakita ng lakas-militar; ito ay isang dakilang pagpapatunay ng pagmamahal sa sariling bayan,” ayon naman kay VP Sara.

MAKI-BALITA: Panghihimasok ng ‘foreign institusyon’ sa hustisya ng bansa, banta sa kalayaan—VP Sara