Nanawagan ng patuloy na pagkakaisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasabay ng paggunita ng Araw ng Kagitingan nitong Huwebes, Abril 9, 2026.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pag-alala sa kabayanihan ng mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan ng bansa, partikular ang mga bayani ng Bataan at Corregidor.
“Binabati ko ang buong sambayanan sa isang makabuluhan at mapayapang paggunita ng Araw ng Kagitingan,” ani Marcos.
Ipinunto rin niya na ang tunay na kabayanihan ay makikita sa gitna ng sakripisyo at paghihirap, at nananatiling buhay sa bawat Pilipinong patuloy na nagsusumikap para sa pamilya at bayan.
“Ang tunay na bayani ay hindi sumusuko sa kabila ng pagod, hirap, at pagdadalamhati,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Pangulo, bagama’t nagbago na ang mga hamon na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan, nananatiling mahalaga ang mga pagpapahalagang tulad ng malasakit, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan.
“Maaaring iba na ang mga hamon natin ngayon, ngunit hindi nagbabago ang kailangang upang tayo ay manaig: malasakit, pagkakaisa, at pagmamahal sa bansa,” pahayag niya.
Hinimok din ni Marcos ang publiko na isabuhay ang diwa ng kagitingan sa araw-araw, sa pamamagitan ng tamang desisyon, pagtulong sa kapwa, at paninindigan sa tama.
“Ang tunay na lakas ng isang nasyon ay hindi lamang nasusukat sa mga tagumpay na ating ipinagdiriwang, kundi sa kung paano tayo tumatayo at lumalaban bilang isang bansa,” aniya.
Sa huli, umaasa ang Pangulo na magsilbing inspirasyon ang Araw ng Kagitingan upang patuloy na maisulong ang adhikaing makamit ang isang “Bagong Pilipinas.”
Samantala, taliwas sa mga umugong na balibalita hinggil sa kaniyang kalusugan, pinangunahan din ni PBBM ang pagbibigay pugay sa Dambana ng Kagitingan sa probinsya ng Bataan.