Pumalo sa 48,257 ang naarestong indibidwal sa loob lamang ng tatlong araw, bilang bahagi ng mas pinaigting na implementasyon ng “Safer Cities Initiative” ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Matatandaang inisa-isa ni DILG Sec. Jonvic Remulla kamakailan ang ilan sa mga ipagbabawal na gawain sa mga lansangan at lokalidad, na siyang tututukan ng mga awtoridad at papatawan na rin ng karampatang parusa.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad -Balita
Batay sa ulat na ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Abril 9, naitala raw ang naturang bilang simula noong Lunes, Abril 6 hanggang Miyerkules, Abril 8.
Ayon sa kanilang datos, 7,389 ang pinagmulta, 403 ang napatawan ng “charges” sa korte, at 15,584 naman ang binalaan at daglian ding pinalaya.
Nakikita rin sa records na 7,300 violations ang naiulat sa paninigarilyo at pag-iinom sa pampublikong lugar, 2,543 violations sa hindi pagsusuot ng pantaas na damit, 2,070 violations sa mga menor de edad na nadampot sa curfew hours, at 572 violations naman para sa mga nagkakaraoke at videoke sa lampas na oras.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang numerong naitala ng awtoridad ay isang tanda ng kanilang maigting na implementasyon ng nabanggit na inisyatibo.
“Patuloy lang ang ating pagpapaalala at pagpapatupad ng mga ordinansa. Nakikita natin na mas nagiging maayos ang paligid kapag may presensya ang pulis,” saad ni Nartatez sa kaniyang pahayag.
Dagdag pa niya, “Makiisa po tayo—sumunod sa simpleng alituntunin, iwasan ang paglabag, at igalang ang kapwa. Maliit na bagay pero malaking tulong sa kaayusan.”
Tiniyak pa ng ahensya na sisiguruhin nilang mananatili ang hustisya at respeto para sa karapatang pantao sa kanilang mga operasyon.