Nagpasya ang Cebu City Council na huwag munang maglabas ng cease-and-desist order (CDO) laban sa kontrobersyal na proyektong Monterrazas de Cebu.
Ayon sa konseho, hindi sapat ang mga teknikal na datos upang direktang iugnay ang mga serye ng naging pagbaha sa nasabing lugar.
“In view of the foregoing and pending further technical evaluation, the imposition of a Cease-and-Desist Order on the Monterrazas de Cebu project is not warranted, without prejudice to continued monitoring by concerned government offices,” ayon sa inaprubahang resolusyon na inilabas noong Miyerkules, Abril 8, 2026.
Bago ang naturang desisyon, nagsagawa rin umano ng serye ng inspeksyon, technical briefings, at konsultasyon ang iba’t ibang ahensya kabilang ang Cebu City Environment and Natural Resources Office, Office of the Building Official, at Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau.
Matatandaang naging laman ng batikos ang Monterrazas de Cebu mula sa publiko kaugnay ng upland development matapos ang pagbaha sa kalapit na lugar sa kasagsagan ng bagyong Tino noong Nobyembre 2025.
Batay sa findings ng konseho, hindi maituturo sa iisang proyekto lamang ang pagbaha sa ilang bahagi ng Barangay Guadalupe.
Sa halip, itinuro ng mga mambabatas ang kombinasyon ng iba’t ibang salik tulad ng kakulangan sa drainage infrastructure, pag-agos ng tubig mula sa mga tributaryo, at kasalukuyang kondisyon ng lugar.
Ipinakita rin sa mga teknikal na ulat na ang ilang drainage pipes sa mga lugar tulad ng Guadalajara Street at Guadalupe Heights ay may sukat lamang na 450 mm hanggang 600 mm, na hindi sapat upang saluhin ang dami ng tubig mula sa mga kalapit na daluyan.
Dagdag pa ng mga opisyal, nakaaapekto rin sa daloy ng tubig ang hindi tamang pagtatapon ng basura at baradong drainage systems na nagiging sanhi ng localized flooding.
Ayon sa councilor na si Jose Abellanosa, may batayan ang desisyon ng konseho batay sa kasalukuyang pagsunod ng proyekto sa mga requirements at pakikipag-ugnayan nito sa mga ahensya ng pamahalaan.
“As Monterrazas is already complying with all the requirements imposed by the council as per the executive session and is coordinating with the concerned agencies, as of the moment, there is no more need for a cease-and-desist order,” ani Abellanosa sa panayam sa kaniya ng media.
Gayunman, nilinaw niya na maaari pa ring balikan ang isyu sakaling magkaroon ng paglabag sa mga susunod na requirement.
“However, if they fail to comply with any other requirements as the project goes on, then perhaps by then we can revisit the issue of a cease-and-desist order—if warranted,” dagdag pa niya.