Ni: Leonel M. Abasola
“Marami pang kakaining smuggled na bigas si Faeldon para matuto. Pati trabaho ng senador gusto na niyang sakupin.”
Ito ang mensahe ni Senator Panfilo Lacson kay dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon makaraang igiit ng huli na ililipat nito sa Senate committee of the whole ang isasampang reklamo laban sa senador sa Senate ethics committee.
Huwebes nang sinampahan ni Lacson si Faeldon ng economic sabotage at graft sa Office of the Ombudsman dahil sa pagpapalabas umano ng bigas na nagkakahalaga ng P34 milyon, sa kabila ng wala umano itong kaukulang papeles.
Nitong Lunes, nagdesisyon si Faeldon, sa pamamagitan ng kanyang abogado, na ilipat sa committee of the whole ang reklamo upang maiwasan daw ang “pagluto” dito sa ethics committee.
“Ang pag-convert ng isang committee into a committee of the whole ay maaari lang gawin sa pamamagitan ng isang Senate resolution, o formal motion sa plenary, na pagbobotohan ng mga miyembro,” paliwanag ni Lacson.
Una nang isinantabi ng ethics committee ang reklamo ni Faeldon dahil sa patuloy nitong pagtanggi na dumalo sa pagdinig ng Senado sa P6.4-bilyon shabu na nakalusot sa BoC.