August 25, 2026

Home BALITA National

Teodoro nababahala, ‘di ito-tolerate ‘educ tours’ na umano’y pinaghahawak ng baril mga bata

Teodoro nababahala, ‘di ito-tolerate ‘educ tours’ na umano’y pinaghahawak ng baril mga bata
Photo courtesy: HOR/YT


Nagpahayag ng pagkabahala si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, Jr. kaugnay sa ilang educational tours ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan pinaghahawak umano ng mga baril ang kabataan.

Nabuksan ang diskurso matapos tanungin ni Gabriela Women’s Party-list Rep. Sarah Elago si Sec. Teodoro hinggil sa pondo ng AFP para sa mga educational tours na isinasagawa nito, sa ginanap na budget briefing ng House Committee on Appropriations para sa proposed fiscal year 2027 budget ng DND.

“Mayroon pong education budget, at mayroon naman pong grants, ‘no. You know, we have institutional arrangements with other countries like Australia, India, the United States, Japan, and Korea for professional military education like cadets. But, we see the need to have to invest on a department level, and on the military level for higher education on multi-disciplinary aspects,” saad ni Teodoro.

Paliwanag naman ni Elago, naitanong niya ito matapos ilapit sa kanila ng mga child rights advocate ang ilang concern patungkol sa mga educational tours na ikinakasa ng militar, kung saan aniya’y makikitang pinahahawak ng mga baril ang mga dumadalong bata.

Ilan sa mga litratong ipinakita ukol dito ay ang isang educational tour para sa 50 mag-aaral sa headquarters ng 89th Infantry Battalion sa Santo Tomas, Davao del Norte noong Pebrero 21, 2025; at isa pang educational tour para naman sa 150 estudyante mula sa Child Development Centers ng Barangay North, Poblacion, Maramag, Bukidnon—sa unit headquarters sa Barangay South Poblacion, Maramag, Bukidnon noong Enero 15, 2026.

Ipinakita rin sa hiwalay na larawan ang pakikilahok ng 79th Infantry (Masaligan) Battalion sa University Week celebration ng STI-West Negros University (STI-WNU), kung saan makikita ang “static display of firearms,” “West Philippine Sea information materials,” at “Army recruitment infographics.”

Layon umano ng aktibidad na ito na ipaalam sa mga mag-aaral ang “vital role” ng army sa national defense at territorial security ng bansa.

Dahil diyan, natanong ng kongresista kung tila bakit ito raw ay pinahihintulutan ng DND at AFP.

“Duly noted, your honor. Hindi dapat talaga umano ‘yan. Duly noted,” sagot naman ni Teodoro.

"Ako rin po, nababahala dito, at hindi ko po ito-tolerate 'yang ganiyang gawain whether posted or non-posted," dagdag pa niya.

Giit pa ni Elago, tinatayang anim na taong gulang at pababa umano ang ilan sa mga kalahok na bata, kung kaya’t aniya, dapat daw ay may malinaw na polisiya ukol sa pagbabawal ng paghawak ng baril ng kabataan—lalo na raw sa mga insidente sa kasalukuyan.

“This is what I will do, your honor. I’ll ask the DSWD to work with us to lecture to the units what are the proper engagement parameters for the youth under 18,” saad naman ni Teodoro.

Sinagot din ng kalihim ang pinakawalang tanong ng kongresista hinggil naman sa maaaring parusa sa mga ganitong tipo ng aniya’y paglabag.

“Ito po, gawa ng palagay ko, sa pagpapalit ng mission area ngayon ay lack of awareness ito; ngunit ako po ay personal kong ipa-follow up ito at idi-direct ko ang undersecretary for defense administration to take charge of this—this should not happen,” anang kalihim.

Matatandaang naging malaking isyu at kontrobersiya ang ilang kaganapan sa mga paaralan sa bansa, na kinasasangkutan ng mga kabataang may dala-dalang baril.

MAKI-BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!-Balita

MAKI-BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!-Balita

Kaugnay nito, ipinapanawagan na ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang pagsasabatas ng Child Safety Against Gun Violence Act.

MAKI-BALITA: Diokno, nanawagang isabatas na ang Child Safety Against Gun Violence Act-Balita


Inirerekomendang balita