Ni: Celo Lagmay

HINDI lamang isang haligi ng broadcast media si Jose Malgapo Taruc; isa rin siyang masugid na tagapagtaguyod ng katarungang panlipunan. Sa mga larangang ito, at natitiyak kong marami pang iba, naging gabay niya ang kalayaan at kapangyarihan ng pamamahayag hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay kamakailan.

Bilang magkapanahon sa larangan ng pamamahayag, bukod sa pagiging kapwa Novo-Ecijano, nasubaybayan ko ang makulay at makabuluhang ‘journalistic performance’ ni Joe. Mula sa pagiging isang karaniwang broadcast reporter sa iba’t ibang himpilan ng radyo, hanggang sa kanyang pagiging haligi ng DZRH ng Manila Broadcasting Company (MBC), naipamalas niya ang kanyang kakayahan na naging dahilan upang siya ay gawaran ng katakut-takot na parangal bilang isang natatanging media practitioner.

Sa payak na luksang parangal o eulogy na ito kay Joe, hindi ko na ilalahad ang kanyang maningning at makatarungang karanasan sa larangan ng media. Manapa, nais ko na lamang bigyang-diin ang kanyang masugid na pagtataguyod ng katarungang panlipunan. Ibig sabihin, walang pagtatangi ang kanyang pagtugon sa panawagan ng sambayanan hinggil sa mga pagmamalabis sa tungkulin ng ilang lingkod ng bayan na walang malasakit sa kaapihan ng ating mga kapatid; inihihingi niya ng katarungan ang mga biktima ng pagsasamantala sa pamamagitan ng pagdudulog ng kanilang mga karaingan sa mga awtoridad.

Isang malaking kawalan ng utang-na-loob kung hindi ko babanggitin ang katuparan ng hinaing ng sambayanan na naidulog ko kay Joe. Maraming pagkakataon na siya ay maituturing kong naging epektibong katuwang sa pagtugon sa mga reklamo ng ating mga kapatid sa pamamahayag nang tayo ay aktibo pa bilang National Press Club president. Ipinanggagalaiti niya ang pagyurak sa ating karapatan sa pamamahayag o press freedom sapagkat ito lamang ang ating pinakamakapangyarihang sandata laban sa pagtalampak sa ating karapatan na pinangangalagaan ng Konstitusyon.

Marami ring pagkakataon na si Joe ay naging kaagapay natin sa pagsaklolo sa mga kapus-palad na halos wala nang pag-asa upang magtamo ng mga biyayang sadyang nakaukol sa kanila. Dangan nga lamang at ang ilan nating mga opisyal ay makasarili at manhid sa karaingan ng bayan.

Hindi ko malilimutan ang kanyang paninindigan sa muling pagpapatupad... ng parusang kamatayan. Marahil, ang ganitong pananaw ay naikintal sa kanyang utak nang kapuwa namin masubaybayan ang pagbitay sa mga gumahasa sa artistang si Maggie dela Riva, maraming taon na ang nakalilipas. Taglay niya noon ang aming paniniwala na ang death penalty ang epektibong hadlang sa karumal-dumal na mga krimen.

Ang gayong paninindigan—kaakibat ng kanyang pagiging natatanging broadcast journalist—ay bahagi ng kanyang mga prinsipyo na natitiyak kong hindi mamamatay. Isang mataimtim na pakikiramay sa iyong mga mahal sa buhay, Joe. Paalam.