Ni: Mary Ann Santiago at Fer Taboy

Humingi ng tulong sa Simbahang Katoliko ang ilang pulis, na nais umanong magbunyag ng kanilang mga nalalaman tungkol sa mga patayan sa bansa na sinasabing may kaugnayan sa ilegal na droga.

Nabatid na nakipagkita ang mga naturang pulis kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at iba pang opisyal ng Archdiocese ng Lingayen-Dagupan, at humiling ng proteksiyon sa gagawing pagbubulgar.

Ayon kay Villegas, binabagabag umano ng konsensiya ang mga naturang pulis kaya nais ng mga itong ihayag ang kanilang naging papel sa extrajudicial killings at summary executions sa bansa.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Nagpahayag naman ng kahandaan ang archdiocese, sa pamamagitan ng Ministry of Mercy nito, na magbigay ng sanktuwaryo sa mga naturang pulis, gayundin sa kanilang mga pamilya, ngunit kinakailangan munang magpakita sila ng mga ebidensiya na magpapatunay sa kanilang mga alegasyon.

Samantala, sinang-ayunan ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang tinuran ni Pangulong Duterte na umaabot sa 9,000 pulis, o 5% ng buong pulisya, ang sangkot sa ilegal na droga.

“Sabi ni President 9,000 policemen daw involved sa illegal drugs? Sa 175,000 what is the percentage of 9,000 sa 175,000? Ang 10% ng 175,000 is 17,500, ano ang 10 percent? 9,000 so more or less 5%. So, nung una, sabi ko mga around 2% lang ng pulis ang involved. Pero ang estimate ni President ngayon is umabot na ng 5%,” ani dela Rosa.