Ni: Clemen Bautista

SA mga Kristiyanong Katoliko sa iniibig nating Pilipinas at sa buong mundo, ang Oktubre ay Rosary Month o Buwan ng Rosaryo. Ang pagdarasal at debosyon sa Rosaryo ay ginagawa sa buong kapuluan. Sa pagsasagawa nito, nagkakaisa ng layunin sa pananalangin sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario.

Nagkakaiba lamang sa wikang ginagamit sa pagdarasal ng Rosaryo. At kung Oktubre, hininimok ng herarkiya ng Katoliko ang mga mananampalataya na magdasal ng Rosaryo para sa pagkakaroon ng kapayapaan sa daigdig, at sa lahat ng rehiyon ng iniibig nating Pilipinas.

Naniniwala ang mga Katoliko na ang pagrorosaryo ay maaaring maging landas sa kapayapaan, pag-ibig at sa paggalang sa lahat. Pinaniniwalaan ding ang pagdarasal ng Rosaryo ay nakatutulong upang malagpasan ang pagkakaiba ng kultura at lipunan na naging hadlang sa kapayapaan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang pagdarasal ng Rosaryo, ayon sa kasaysayan, ay sinimulan pa mahigit nang 400 taon ang nakalipas sa lahat ng taong saklaw ng Simbahan. Ang Kongregasyon ng mga paring Dominiko (Dominican Congregation) ay may mahalagang nagawa sa pagdarasal ng Rosaryo. Sinimulan ni Saint Dominic o Sto. Domingo—ang nagtatag ng Dominican Congregation—ang debosyon sa Mahal na Birhen. Nagpatuloy ito sa paglipas ng panahon hanggang sa ngayon.

Bawat naging Papa sa Roma ay nagtagubilin sa pagdarasal ng Rosaryo kabilang ang yumaong Pope John Paul II, na ngayon ay isa nang santo, at ng ang kasalukuyan nating Santo Papa na si Pope Francis.

Ang pagdarasal ng Rosaryo ay nag-ugat nang magpakita ang Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong Hulyo 13, 1917 kina Lucia, Francisco at Jacinta. At isa sa pangunahing kahilingan ng Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata na ipagdasal ang Russia. Nangako rin ang Mahal na Birhen na ang magdarasal ng Rosaryo ay magtatamo ng biyaya sa pagbabagong-puso at pagbabalik-loob ng mga makasalanan.

Noong 1569, opisyal na pinagtibay ni St. Pope Pius V ang Rosaryo at siya rin ang nagpatibay ng kapistahan ng Sto. Rosario o La Naval tuwing Oktubre. Ang kapistahan ay itinakda ng Oktubre 7.

Si Pope Leo XIII naman ang nagmungkahi ng pagdarasal ng Rosaryo tuwing Oktubre. Ayon kay Pope Leo XIII, ang Rosaryo ang isa sa pinakamahusay na dalangin ng pakikiusap sa harap ng Mahal na Birheng Maria para sa ikabubuti ng ating mga nahihiwalay na kapatid.

May nagsabi naman na ang pagdarasal ng Rosaryo ay nag-aatas sa ating sarili ng pananalig at pasasalamat sa Diyos, laluna sa pagninilay ng Doctrinal Truth ng 15 Misteryo. Ang mga ito’y ang Kanyang pagsilang, paghihirap at kamatayan at ang muling Pagkabuhay. Gayundin, nadagdag ang Misteryo ng Liwanag.

May nagsasabi rin na ang Rosaryo ay isang makapangyarihang paraan ng pag-uugnay ng mga pamilya,... komunidad at ng bansa sa Mistikong Katawan ni Kristo.

Ayon naman kay Sta. Teresita, ang Sto. Rosaryo ay katulad ng isang tanikalang nag-uugnay sa langit at lupa. Ang isang dulo ay nasa kamay ng Mahal na Birhen Maria, ang kabilang dulo naman ay nasa ating mga kamay. Hanggang dinarasal ang Rosaryo ay hindi pababayaan ng Diyos ang daigdig sapagkat malakas ang bisa ng Rosaryo sa Kanyang puso.

At sa bawat Pilipinong may panata at debosyon sa Mahal na Birhen at Dakilang Lumikha, ang pagdarasal ng Rosaryo ay bahagi na ng kanilang buhay kapag Oktubre, o lumipas man ang nasabing buwan. Kasama rin sa pagdarasal ang pagkakamit sa mailap na kapayapaan sa mundo, gayundin ang pagkakaisa ng mga Pilipino.