Ni: Clemen Bautista

ANG giyera kontra droga ay isa sa mga unang inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magsimula siyang manungkulan bilang pangulo ng bansa noong Hulyo 2017. Ang pagsugpo sa illegal drugs ay naipangako niyang susugpuin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Ang naging tagapagpatupad nito ay ang Philippine National Police (PNP).

Nang simulan ang drug war, araw-araw itong ibinabalita sa radyo, telebisyon at inilalathala sa pahayagan kung saan ang mga pinaghihinalaang drug user at pusher ay tumimbuwang. At sa paglipas ng mga araw at buwan, patuloy na nadagdagan ang bilang ng mga napatay at naitumba sa mga drug police operation. Karamihan ay nakasuot ng tsinelas at marumi ang mga paa--mahihirap. Mabibilang sa daliri ang napatay na drug lord-narco-politician. Wala naman magawa ang mga magulang at kamag-anak ng mga napatay kundi ang manangis at sumigaw ng katarungan. Nang lumaon, may napatay na ring mga menor de edad na nagresulta sa national outrage o matinding pagkagalit ng ating mga kababayan. Binatikos ng mga human rights advocate, mga alagad ng simbahan at iba pang may pagpapahalaga sa buhay ng tao ang drug war.

Hiniling na itigil na ang pagpatay sa police operation.

At makalipas ang isang taon, nang ipatupad ang giyera kontra droga, umabot na sa 13,000 drug suspect ang napatay. Sa report naman ng PNP, may 3,850 drug suspect ang napatay sa police operation. At sa bawat tumimbuwang, sinasabi ng mga pulis na NANLABAN ang mga suspek kaya napatay. Nalagay umano sa panganib ang buhay ng mga pulis.

Kaugnay ng giyera kontra droga, noong Hunyo 23-26, nagsagawa ng survey ang Social Weather Station (SWS). Sa resulta ng nasabing survey, mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ay naniniwalang hindi totoong NANLABAN ang mga napatay sa police operation sa giyera kontra droga. Limampu’t apat na porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon na karamihan sa mga napatay sa operasyon ay hindi nanlaban, habang 20 porsiyento naman ang hindi sang-ayon at 25 porsiyento ang walang desisyon sa survey. Nabatid din sa survey na halos kalahati o 49 porsiyento ng populasyon ang naniniwalang karamihan sa mga napatay ng mga pulis sa police drug operation ay hindi totoong tulak ng droga.

Sa resulta ng survey, nanindigan naman ang PNP na nanlaban ang mga napatay. Iginiit pa ng tambolero ng PNP na nanganganib din ang buhay ng mga pulis sa pagpapatupad ng giyera kontra droga. Katwiran at paliwanag pa ng tambolero ng PNP, sa police drug operation, umabot sa 83 pulis ang napatay at 200 ang malubhang nasugatan sa pakikipagbarilan sa mga drug suspect na ayaw sumuko.

Ayon pa sa tambolero ng PNP: “We respect the result of the survey conducted. The survey is based on the perception of the respondents. Whatever the question, they will base it on their perception, based on factors available at that particular time of the survey”. Sa panig naman ng Malacañang, kinuwestiyon nito ang paraan ng nasabing survey. Ayon sa tambolero ng Malacañang, naapektuhan ang sagot ng mga respondent sa paraan ng pagtatanong.

May reaksiyon naman ang iba nating kababayan sa naging sagot ng PNP. Halos nagkakaisa sila sa pagsasabing kahit anong paliwanag at sangga ng PNP, mahirap na rin silang maniwala sapagkat nawala na raw ang kredibilidad ng PNP bunga ng kabalbalan at katarantaduhan ng ilang bugok at tiwaling opisyal at tauhan ng PNP. Nabatikan ang imahe ng PNP. Marami sa ating mga kababayan ang natatakot na kapag nakakita ng pulis.