Ni: Jun Fabon
Nahuli ng mga barangay tanod at ng mga pulis ang may 15-talampakang sawa sa basement ng isang condominium unit sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Renato Enriquez, executive officer ng Barangay Peace and Security sa Barangay Talipapa, habang sila ay nagroronda ay nakatanggap sila ng tawag mula sa security guard ng Magnolia Place Condominium at ini-report ang pagkakatagpo sa sawa, dakong 10:00 ng gabi.
Agad silang rumesponde sa lugar at dumiretso sa basement parking lot ng condominium at doon nakita ang nakalambiting sawa na tila nag-aabang ng mabibiktima.
Habang nilalambat ang sawa ay nanlalaban pa umano ito kaya kinailangan pang magtawag ng iba pang barangay official.
“Mahirap po siyang hulihin, kasi madulas siya. Kaya nagtawag pa ako ng makakasamang huhuli. Pinilit naming mahuli kasi delikado ‘yan. Puwede nang manlingkis ng bata at makapatay ng tao,” sabi ni Enriquez.
Tagumpay namang natalian sa bibig ang sawa at mabilis na naisilid sa plastic drum.