Ni RAYMUND F. ANTONIO

Matapos niyang sibakin ang dalawang district collector sa Manila ports, puntirya naman ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña na tanggalin sa kawanihan ang 90 porsiyento ng mga tiwaling Customs examiner at appraiser sa mga pantalan sa buong bansa.

Sa isang media briefing, sinabi ni Lapeña na sisibakin niya ang karamihan sa mga examiner at appraiser, kabilang ang mga section head sa mga pantalan, sa layuning matuldukan na ang “tara” system sa BoC.

“If they will not follow our guidance. I will have to move them. I will move the heads first, the chiefs of those sections who have been identified. May be I will allow the deputy to take over and see if he performs better than his chief,” sabi ni Lapeña.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

“I can relieve anybody based on my assessment for the best interest of the service, but the investigation will continue. If there is enough basis warranted they would be subjected to disciplinary action,” dagdag ng BoC chief.

Paliwanag ni Lapeña, sisibakin niya ang karamihan ng mga examiner dahil ang mga ito ang responsable sa pagkakaroon ng maling pagtaya sa halaga ng imported goods na pumapasok sa mga pantalan.

Nang tanungin kung kailan niya isasagawa ang pagsibak sa mga tiwali sa BoC, sinabi ni Lapeña na posibleng simulan na niya ang pagtatanggal ng ilang kawani sa Assessment Division sa Lunes ng susunod na linggo.

Ikakasa ni Lapeña ang malawakang sibakan kaugnay ng kinumpirma niyang tara system sa kawanihan.

Pinalitan ang nagbitiw sa tungkulin na si BoC Commissioner Nicanor Faeldon, nangako si Lapeña na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang malinis ang kawanihan laban sa mga tiwaling empleyado.

Matatandaang sinibak ni Lapeña kamakailan ang kapwa abogadong sina Vincent Philip Maronilla at Rhea Gregorio, parehong district collector ng Manila International Container Port at Port of Manila, ayon sa pagkakasunod, at inilipat sa Compliance Monitoring Unit ng BoC.