Ibinasura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga usap-usapang papalitan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, at iginiit na nananatili siyang kuntento sa pagganap ng kalihim.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa mga mamamahayag matapos ang kaniyang apat na araw na state visit sa Japan nang tanungin kung nananatili pa rin ang kaniyang tiwala kay Remulla sa kabila ng mga insidente kung saan nakalusot umano sa mga awtoridad ang ilang pinaghahanap ng batas.
“Yes. I don't know why that rumor went around. I think somebody wants his job kaya kinakalat na matatanggal na siya para siguro, ang inaasahan nila sila ‘yung mailagay. Pero wala kaming pinaplano na ganyan,” ani Marcos.
Lumakas ang panawagang palitan si Remulla matapos makatakas sa kustodiya ng Czech Republic noong Abril ang dating Ako Bicol party-list Representative na si Zaldy Co.
Nadagdagan pa ang mga batikos kasunod ng kontrobersyal na insidente ng pamamaril sa Senado ngayong buwan at ng pag-alis ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa mula sa lugar ng insidente.
Gayunman, nilinaw ni Marcos na ang pinakahuling pagbabago lamang sa kanyang Gabinete ay sa Department of Labor and Employment (DOLE), matapos hilingin ni dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumaba sa puwesto dahil sa mga usaping pangkalusugan.
Samantala, sinabi rin ng Pangulo na posibleng mabigyan ng iba pang posisyon sa gobyerno ang ilang kandidato na natalo sa 2025 midterm elections ngayong natapos na ang isang taong pagbabawal sa kanilang pagtatalaga sa mga posisyon sa pamahalaan.
“Possibly. Kasi nga nag-lapse na yung one-year ban for candidates that did not make it in the last election,” aniya.
Idinagdag pa ni Marcos na marami sa mga tumakbo sa nakaraang halalan ang may kakayahang makatulong sa gobyerno.
“Marami namang magagaling diyan. I’m not talking just the senatorial candidates. Maraming iba na tumakbo for whatever position na sa palagay ko magagaling at makakapag-contribute sa pamahalaan,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng Pangulo na layunin ng kanyang administrasyon na makuha ang pinakamahuhusay na talento, kabilang ang mga kandidatong hindi nagwagi sa nakaraang halalan, upang makatulong sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.