Ibabalik na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang orihinal na five-day workweek arrangement, epektibo sa Hunyo 1.
Ito’y matapos na lagdaan ni DOLE Secretary Francis N. Tolentino ang isang memorandum na nagbabalik ng standard workweek structure para sa lahat ng bureaus, services, regional offices, at attached agencies ng DOLE nitong Mayo 28.
Matatandaang kabilang ang DOLE sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagpatupad ng compressed workweek (CWW) bilang pagtalima sa Memorandum Circular (MC) No. 114 ng Office of the President na nag-aatas sa mga ahensiya at mga instrumentalities ng pamahalaan na istriktong i-adopt ang energy conservation protocols kasunod nang pagsiklab ng giyera sa Gitnang Silangan.
Ina-awtorisa rin ng MC 114 ang alternative work arrangements, gaya ng four-day workweek, upang mapababa ang energy footprint ng public sektor.
“As the primary responsible agency for labor standards and social protection, and to satisfy the non-impediment clause of MC No. 114 and to fulfill the Department’s statutory mandate to the public, the interim four-day compressed workweek arrangement is hereby revoked, and the standard five-day workweek structure is formally restored,” bahaig ng DOLE memorandum.
Nabatid na ang konsumo sa elektrisidad ng DOLE ay bumaba ng mula 113,560 kWh noong Pebrero 2026 sa 100,720 kWh noong Marso 2026 kasunod ng implementasyon ng CWW.
Samantala, ang fuel consumption naman ng ahensiya ay bumaba rin ng mula 4,722.85 litro sa 3,752.63 litro sa parehong panahon, o kabawasang 970.22 litro.
Tiniyak naman ng DOLE na kahit babalik na sila sa five-day setup ay ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng energy conservation measures.