Ni: Ben R. Rosario

Nahaharap sa plunder at patung-patong na kasong kriminal ang contractor ng P892 milyon housing project para sa mga biktima ng supertyphoon “Yolanda” matapos kumpirmahin ng mga mambabatas na ang mga pabahay na itinayo nito ay inilalagay sa panganib ang buhay ng mga tao dahil sa paggamit ng substandard na construction materials.

Sinabi ni Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez, chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, kinumpirma ng inspection team na ipinadala ng House panel ang panloloko ng JC Tayag Builders.

Ayon kay Benitez, nagkaroon ng sapat na dahilan ang House panel upang alamin kung ang mga nasabing construction materials ay ginamit din sa housing units para sa lahat ng iba pang biktima ng “Yolanda” na pinondohan sa pamamagitan ng P60 bilyong pondo ng gobyerno.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Sa pagdinig ng House nitong unang bahagi ng buwan, mariing itinanggi ni JC Tayag ang mga akusasyon ng subcontractor na si Camilo Salazar na gumamit siya ng substandard steel at bars sa pagtatayo ng mahigit 2,000 bahay sa mga bayan ng Balangiga, Hernani at Guiuan sa Eastern Samar.

“Itong contractor na ito, niloko na mga tao sa Eastern Samar, niloko pa rin ang committee,” diin ni Benitez sa paghahayag niya ng mga kasong perjury, contract violations at plunder.

Kasama sina Reps. Ben Evardone (LP, Eastern Samar) at Deogracias Victor Savellano (PDP-Laban, Ilocos Sur), sinabi ni Benitez na nadiskubre ng grupo na nagsasabi ng totoo si Salazar na ang mga materyales na ginamit sa pabahay ay hindi pumasa sa pamantayan ng National Housing Authority.