Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
HABANG nakatuon ang mga mamamayan sa mga kapalpakan sa operasyon at ‘di maipaliwanag na pagpatay ng mga tauhan ng Caloocan City police, tila gustong sumali sa “paligsahan” ng mga tauhan ng Pasay City police kung saan nabaril at napatay ang isang 13-anyos na lalaki sa tapat mismo ng kanilang bahay nitong Linggo.
Katatapos lamang mananghalian ni Jayross Brondial nang lumabas at umupo sa tapat ng kanilang bahay, sa kanto ng Tramo at Inocencio Street sa Pasay City, nang dumaan ang isang motorcycle rider at walang habas siyang pinagbabaril. Agad namatay si Brondial at humarurot naman ang ‘di pa nakikilalang armado.
Isa na namang “dagang dingding” ang pinatay marahil dahil sa tumataginting na 10,000 hanggang 30,000 reward na, ayon sa isa kong kaibigang pulis, nakapatong sa bawat ulo ng maitutumba nilang “adik na ay pusher pa”.
Mga “dagang dingding” ang tawag ng mga pulis sa mga target nilang karaniwan ay tambay, nakasuot ng tsinelas o sa madaling salita ay mga “anak dalita” na nakatira lamang sa mga barung-barong…mas mataas na estado sa pamumuhay, mas mahal ang nakalaang reward na aabot mula sa 50,000 hanggang 200,000. Eh, ‘di ba, para sa mga “ninja cops” ay umaabot pa sa P2 milyon ang reward na ipinangako mismo ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP)?
Ang nakakatakot dito ay ang pagiging bara-bara ng mga operatiba na tila ginawa nang harimunan ang pagdampot at pagpatay sa mga “dagang dingding” na kadalasan ay “mistaken identity” gaya nga nitong mga pagpatay sa Caloocan City at ang pinakahuli nga ay sa Pasay City.
Ayon sa mga kapitbahay ni Brondial, siguradong napagkamalan lamang ito ng “tumira” sa kanya…dahil hindi ito “adik” at mas lalong hindi ito “tulak” – ang tanging pagkakamali umano ni Brondial, Grade 6 student, ay ang pagsusuot ng asul na short pants habang nagpapahangin sa tapat ng kanilang bahay.
Asul din kasi umano ang short pants na suot ng isang kilalang “adik na tulak pa” sa kanilang lugar noong araw ding iyon. Marahil, ito umano ang deskripsiyong ibinigay ng “FINGER” sa noon ay naglilibot na “BERDUGO” kaya nang madaanan at makita nito si Brondialay agad nitong pinagbabaril hanggang sa bumulagta. ... ‘Di matanggap ng magulang ni Brondial ang kanyang sinapit. Nito kasing Pebrero, napatay din ng mga pulis ang isa pa nilang anak na lalaki na natiyempuhan umano ng mga pulis na kasama sa nakawan na nangyari sa Pasay City.
Kahit nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagtakas ng “BERDUGO” matapos na pagbabarilin si Brondial ay hindi pa rin umaasa ang magulang ng bata na malulutas ang kaso at mahuhuli ang kriminal…wala naman daw kasing hustisya para sa kanilang mga yagit sa lipunan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]