Ni: Bella Gamotea
Magpapatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Flying V, ngayong Martes.
Sa pahayag ni Ila Ventanilla, ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ngayong Martes, Setyembre 26, ay magtataas ng 65 sentimos sa presyo ng kada litro ng kerosene at 45 sentimos naman sa diesel, at wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kahalintulad na oil price hike na ipinatupad ng Flying V kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong dagdag-presyo ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Nitong Setyembre 19, walang ipinatupad na paggalaw sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa kabila ng mga pagtaya ng kakarampot na oil price rollback.