Ni: Bella Gamotea
Arestado ang isang holdaper makaraang biktimahin ang isa sa mga pasahero ng bus sa Makati City, nitong Biyernes ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong sa Makati City Police headquarters si Edgar Lawde y Gonzales, 44, ng No. 68 Big Fair, Barangay Malinao, Pasig City.
Positibo siyang kinilala ng biktimang si John Percival Calara, 33, ng Pitogo, Makati City.
Sa ulat ni Senior Supt. Jerry Umayao, hepe ng Makati City Police, naganap ang panghoholdap sa loob ng Fermina Bus (UWD 682) habang ito ay malapit sa Estrella Footbridge southbound ng lungsod, dakong 10:20 ng gabi.
Una rito, tumabi si Lawde kay Calara at makalipas ang ilang sandali ay tinutukan na nito ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Sapilitan umanong kinuha ng suspek ang itim na pouch ng biktima saka mabilis na bumaba mula sa bus.
Agad sinundan ni Calara si Lawde at nakahingi ng tulong ang una sa mga nagpapatrulyang pulis na naging sanhi ng pagkakaaresto sa huli.
Nabawi mula sa suspek ang pouch ng biktima at ang patalim na ginamit nito sa panghoholdap.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong robbery hold-up at illegal possession of deadly weapon.