Ni: Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, iniulat kamakailan ng National Public Radio sa Estados Unidos na may mga Kristiyanong tumitiwalag sa kanilang simbahan dahil wala silang marinig na pagtutol mula sa kanilang mga pastor hinggil sa lumalalang diskriminasyon at rasismo (o racism) sa kanilang bansa.

Mangyari kaya ito sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas? Libu-libo na ang namatay sa digmaan laban sa droga na nagiging digmaan laban sa mahihirap. Bagamat tila hindi nababagabag ang maraming Katolikong Pilipino, marami ring Katoliko na nababahala at naghahanap ng paggabay mula sa mga obispo at pari.

Matapos ang karumal-dumal na pagpatay kay Kian Loyd delos Santos, iniutos ng isang obispo, sa kanyang diyosesis sa Kalakhang Maynila, na patunugin ang kampana ng lahat ng simbahan sa loob ng siyam na gabi. Ngunit hindi tumalima ang lahat ng parokya, at may mga kuwento tayong narinig na hindi ito ikinatuwa ng ilang mananampalataya sa mga parokyang ito.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Madaling maunawaan ang pagkadismaya ng mga Katolikong may konsensiya kapag tahimik sa harap ng katiwalian at karahasan ang mga obispo o ang mga pari. Ipinamamalas ng ganitong damdamin ang pag-unawa at pagmamahal sa tungkulin ng Simbahang ipagtanggol ang buhay at karapatang pantao. Ngunit obispo at pari lang ba ang maysala kung bakit tahimik ang ating mga diyosesis o parokya? Wala bang magagawa ang mga laiko upang basagin ang katahimikan?

Halimbawa, may nabalitaan tayong isang parokya sa ibang diyosesis na dahil wala silang kampanang patutunugin, kumatha ang mga kasapi ng Parish Public Affairs Ministry ng sarili nilang dasal upang ialay sa mga biktima ng walang patumanggang pagpatay. Matapos ipakita ang dasal sa kanilang kura paroko, sila mismo ang nagdala ng kopya nito sa kanilang obispo upang hilinging dasalin sa buong diyosesis. Sa mga diyosesis na wala pang inisyatibo upang maipakita ang pakikiramay ng simbahan sa mga pamilya ng biktima ng karasahan, nagkakaroon ng ugnayan ang mga grupo ng laiko mula sa mga parokya sa kanilang obispo upang magpalabas sila ng dasal.

Ilan lamang ito sa mga maaaring gawin ng mga laikong may konsensiya at malasakit. Nadidismaya ba kayo sa katahimikan ng inyong obispo o kura paroko tungkol sa patayan? Pakiramdam ba ninyo ay walang pakialam ang inyong simbahan sa mga lantarang paglapastangan sa buhay at karapatang pantao? Sa halip na lumipat ng parokya o tumiwalag sa pagiging Katoliko, subukan ninyong magkusang makipag-ugnayan sa inyong obispo, kura paroko, at kapwa ninyo laiko na naglilingkod sa simbahan.

May pagkakataong iniaalok sa atin ang pastoral letter ng Permanent Council ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP. Pinamagatan itong, “Lord, heal our land.” Ito ay inilabas bilang pagtutol sa patayan noong ika-12 ng Setyembre. Apat na bagay ang hinihiling nitong gawin natin—mga relihiyoso at laiko—sa loob ng 40 araw mula ika-23 ng Setyembre. Una, magrosaryo at mangomunyon para sa mga biktima ng karahasan. Ikalawa, magpatunog ng kampana tuwing ikawalo ng gabi. Ikatlo, magtirik ng kandila sa harap ng bahay, sa semeteryo at pampublikong lugar at sa lugar na may pinatay. Panghuli, sa abot ng ating makakaya, magbigay ng suporta sa namatayan at tumulong sa pagpapaaral ng naulilang mga anak.[1]

Mga Kapanalig, kausapin ninyo ang inyong kura paroko na organisahin ang parokya upang sama-samang gawin ang mga mungkahi ng CBCP. Mas mainam marahil kung kayo ang mag-organisa sa mga kasapi ng parokya. Papel ninyo ito at karapatan bilang mga laiko. Ayon sa Lumen Gentium, ang konstitusyon ng katuruan ng ating Iglesia Katolika,: “The laity go forth as powerful proclaimers of a faith in things to be hoped for, when they courageously join to their profession of faith a life springing from faith.”[2]

Sumainyo ang katotohanan.