Ni: Marivic Awitan

Mga laro ngayon

(Araneta Coliseum)

3:00 n.h. -- Blackwater vs Rain or Shine

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

5:15 n.h. -- TNT Katropa vs Ginebra

MAPATATAG ang kanilang pamumuno ang tatangkain ng Barangay Ginebra sa pagsabak kontra TNT Katropa na magtatangka namang palakasin ang kanilang tsansa para sa nakalaang twice-to-beat incentive papasok ng playoffs ng 2017 PBA Governors Cup.

Magtutuos ang Kings at Katropa ganap na 5:15 ngayong hapon pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng Blackwater at Rain or Shine ganap na 3:00.

Nagsosolo sa pangingibabaw ang Kings taglay ang barahang 8-2, may isang panalong agwat kontra Meralco (7-2) na may laro naman kagabi kontra Globalport sa MOA Arena.

Batay sa format, ang top four teams matapos ang eliminations ay uusad sa quarterfinals na may bentaheng twice-to-beat kontra sa lower four teams.

Ang panalo ay ganap na seselyo sa no. 1 spot para sa Kings patungo sa playoffs habang ang kabiguan ay magbubukas sa posibilidad na magkaroon ng 4-way tie sa pamumuno sa barahang 8-3 na reresolbahin sa pamamagitan ng quotient.

Magkakatabla sa ngayon sa ikatlong posisyon ang Katropa, NLEX at San Miguel Beer hawak ang barahang 7-3.

Dito tatangkaing kumalas ng Katropa sa pagtatapos ng kanilang elimination round campaign.

Samantala sa unang laban, tatangkain naman ng Rain or Shine at Blackwater na tapusin ang elimination sa pamamagitan ng tagumpay bilang preparasyon sa pagsalang nila sa quarterfinals kung saan kailangan nilang manalo ng dalawang beses para umabot ng semis.