Ni: Ric Valmonte

SINALUBONG ng dalawang rally ang ika-45 taon ng martial law nitong Huwebes. Ang unang rally ay isinagawa bilang suporta sa administrasyong Duterte. Ang ikalawa, na dahilan kung bakit isinagawa ang unang rally, ay laban naman sa administrasyon. Ito ay kilos-protesta laban sa war on drugs, sinasabing extrajudicial killings at ang umano’y hilig ni Pangulong Duterte na maging diktador. Never again na maulit ang diktadurya, panawagan ng mga raliyista.

Higit na malaki ang kilos-protesta kaysa rally na isinagawa ng mga maka-administrasyon. Pinalobo ito ng partisipasyon ng mga propesyonal, mag-aaral, manggagawa, magsasaka, maralitang mula sa lungsod at kanayunan, katutubo at taong simbahan. Bukod dito, sinabayan ito ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Samantalang ang pro-Duterte rally ay nagdaos sa Plaza Miranda at bahagi ng Mendiola. May Duterte Kitchen pa sa Plaza Miranda na hindi kinakapos sa pagkain at inumin na ipinamamahagi sa mga sumama sa rally. Kung hindi nagutom at nauhaw ang mga raliyista ng pro-Duterte, dahil nga may Duterte Kitchen na nakaalalay sa kanila, uhaw sa katarungan ang karamihang sumama sa kilos-protesta.

Ito ang unang pagkakataon na may idinaos na malawak na kilos-protesta sa panunungkulan ni Pangulong Duterte. Hindi siya sanay na may ganitong kaganapan sa kanyang pamamahala. Sa matagal na panahong paglilingkod sa Davao City, hindi niya naranasan na may grupong sumasalungat sa kanya. Marahil, napagtanto na niya na ang ginawa niya sa Davao City ay hindi niya kayang gawin sa buong bansa. Kung narinig niya ang mga nagsalita sa kilos-protesta at mga lumahok dito nang kapanayamin ang mga ito, marahil nalaman niya na hindi lang siya ang matapang at mahalay magsalita. Mukhang ang mga ito ay natuto sa kanya dahil kagaya na rin niya silang umasta.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Dati-rati, nagdaraan ang Setyembre 21 nang hindi pinapansin ng mamamayan sa kabila ng mga paalala sa kanila. Kahit malala na ang krimen noon at maraming lulong sa droga ang napatunayang nagkasala, parang ordinaryong araw lamang ito.

Ngayon, bumalik sa isipan ng mamamayan ang kasaysayan. Binabalikan nila ang nakaraan kung kailan nakapailalim sa diktadurya ang bansa. Kasi, naging karaniwan na ang pagpatay at extrajudicial killings na, tulad noong panahon ng diktadurya, ang mga taong pinagkalooban nila ng kapangyarihan ay ang mga gumagawa na nito.

Ang gobyerno, na dapat mangalaga at itaguyod ang kapakanan ng sambayanan, ay umaabuso na. Nawalan na ng proteksiyon ang taumbayan, kaya sinimulan na naman nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa sama-samang pagkilos. Itinaon nila ito sa Setyembre 21 upang ito ay lalong maging makabuluhan.