Ni: Celo Lagmay

ANUMAN ang sabihin ng sinuman, naniniwala ako na ang sunud-sunod na aberya sa MRT-3 na ipinagdurusa ng sambayanan ay kakawing ng nakadidismayang pamamalakad ng nakalipas na Aquino administration. Ang sinasabing depektibong mga bagon, kabilang na ang umano’y mga pabayang service provider, ay kinontrata ng hinalinhang liderato, partikular ang Department of Transportation and Communication (DoTC) na nagkataong pinamumunuan noon ni Secretary Joseph Aguinaldo Abaya; pinalitan niya si dating DoTC Secretary Mar Roxas.

Tuwing tumitirik ang mga tren, tayo ay parang minumulto ng nakalipas na pangasiwaan dahil sa nakapanggagalaiting mga kapalpakan na minana ng Duterte administration. Isipin na lamang na halos araw-araw, hindi lamang minsan kundi maraming beses na tumitigil ang mga tren dahil sa mga sira na isinisisi sa mahinang klaseng mga bagon; mga tren na sinasabing hindi tugma sa mga riles. Sa pagsakay pa lamang natin sa naturang transportasyon, kaagad tayong sinasagilahan ng pangamba; hindi natin matiyak kung tayo ay makararating pa sa ating paroroonan.

Totoo, hindi naman nating ganap na masisisi ang nakaraang administrasyon dahil sa naturang mga nakagagalit na pamamahala. Malaki rin ang pananagutan ng kasalukuyang liderato sa pagpapanatili ng matino at kanais-nais na pamamahala sa MRT-3 – at sa LRT-1 – para sa kaginhawahan ng milyun-milyong pasahero. Ang mga depektibong riles at hindi angkop na mga signalling system ay marapat remedyuhan ng DoTC (ngayon ay Department of Transportation DOTR na sa bisa ng isang bagong batas).

Wala pang katiyakan kung tototohanin ng DOTR, ngunit naniniwala ako na ang plano hinggil sa pagsasauli sa China ng depektibong mga bagon ay nasa wastong direksiyon. Marapat na mapalitan ang mga ito upang maitugma sa kahabaan ng riles na dadaanan ng mga ito. Bukod pa sa mga signalling system na naging dahilan ng nakadidismayang aberya ng mga tren. Ang naturang mga bagon ay inangkat sa China ng dating DoTC.

Magugunita na ang maayos na pagpapatakbo ng naturang mga tren ay malimit ipangalandakan ng nakaraang administrasyon.

Kung hindi ako nagkakamali, mismong si Secretary Abaya ang nagpahiwatig na siya, kasama ang iba pang mataas na opisyal ng Aquino leadership, ay magpapasagasa sa mga tren kung hindi magiging kasiya-siya ang operasyon ng mga ito.

Kaakibat ito ng malimit niyang ipahayag hinggil naman sa problema sa trapiko: magtiis tayo sapagkat hindi naman nakamamatay ang trapiko. Maaaring siya ay nagbibiro lamang.

Sa kabila ng lahat ng ito, kinakatigan ko ang matinding hamon ni Senador Grace Poe tungkol sa pagsasampa ng mga asunto laban sa mga opisyal ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon na may pananagutan sa mga kapalpakan sa MRT-3 na laging ipinanggagalaiti ng mga mamamayan.