NI: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:15 n.h. -- Kia Picanto vs Star
7:00 n.g. -- Globalport vs Meralco
MAY nalalabing tatlong playdates at kumpleto na rin ang playoffs cast, puwestuhan na lamang ang nakataya sa labanan ngayon sa 2017 PBA Governors Cup eliminations sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa nakatakdang double header, tatangkain ng Meralco (7-2) na sumalo sa liderato sa Barangay Ginebra (8-2) sa kanilang pagsagupa sa sibak na Globalport sa huling laban ganap na 7:00 ng gabi.
Tatangkain naman ng Star (5-4) sa unang laro ganap na 4:15 ng hapon na makapantay ng Rain or Shine (6-4) sa ika-apat na puwesto sa pagtutuos sa olats na ring Kia Picanto.
Nasa ikapitong puwesto na ang Hotshots at wala ng tsansa na umabot pa sa top 4 na may bentaheng twice -to -beat sa playoffs dahil magkakasalo sa ikatlong puwesto at sinusundan ng ROS ang San Miguel Beer, TNT Katropa at NLEX na maymagkakaparehas na markang 7-4.
Gayunman, hangad pa rin ng tropa ni coach Chito Victolero na manalo bilang paghahanda sa mas matinding hamon na susuungin sa playoff round kung saan kailangan nilang talunin ang makakatapat na dalawang beses upang umabot ng susunod na round.
Para sa Bolts, maliban sa muling pagbalik sa leader board, target din nilang makagamayan ng husto ang bagong lipat na si Ranidel de Ocampo na inaasahan nilang makakatulong ng husto sa target nilang makabalik ng kampeonato.