Ni: Fer Taboy
Patay ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa bayan ng Naga sa Zamboanga Sibugay.
Ayon sa report ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office (ZSPPO), nakasagupa ng mga tauhan ng Provincial Public Safety Company (PPSC) ang mga bandido makaraang isumbong ng mga residente sa Barangay Mamagon, Naga.
Sinabi ng pulisya na naaktuhan nila ang pitong katao na armado ng matataas na kalibre ng baril sa Sitio Panjang, na nauwi sa 10-minutong bakbakan.
Kinilala ang nasawi sa engkuwentro na si Moner Jikiri Timbol, 44, na nasamsaman ng isang .45 caliber pistol at mga bala, habang kabilang naman sa nagtagpuan ang isang cell phone.
Sa imbestigasyon ng Naga Municipal Police, natuklasang kabilang si Timbol sa mga tauhan ng Abdusalam Group ng Abu Sayyaf, at may arrest warrant sa kasong pagpatay.
Nakatakas naman ang anim na kasamahan ni Timbol, na pinaghahanap pa ng pulisya.