Ni LIEZLE BASA IÑIGO
Tinatayang nasa siyam na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang isang sundalo naman ang nasugatan sa nangyaring engkuwentro sa Sitio Barat sa Barangay Burgos, sa Carranglan sa hangganan ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.
Sinabi kahapon ni Lt. Col. Isagani Nato, tagapagsalita ng Northern Luzon Command (NolCom) na nagsimula ang bakbakan dakong 7:25 ng umaga kahapon, at natapos bandang 10:00 umaga.
Pinangunahan ng 84th Infantry Battalion ang sagupaan laban sa nasa 15 rebelde, at siyam sa mga ito ang napatay.
Kinilala ang ilan sa mga napatay bilang sina Joel Manangan, alyas “Razul”, alyas “Gian”, alyas “Bunso”, at alyas “Asok”.
Nakarekober ang Philippine Army ng isang AK47, isang M14 rifle, dalawang M653, at limang M16 rifle na ang isa ay nakakabitan ng M203; at walong backpack na may mga subersibong dokumento.