Ni: Jun Fabon

Nakapiit ngayon ang isang truck driver na responsable sa pagkasawi ng isang mag-asawang lulan sa motorsiklo na nahagip ng live wire matapos na sumabit ang truck sa mga nakalaylay na kable ng poste ng kuryente sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon Ctiy, iniulat kahapon ng Traffic Sector 6.

Kinilala ni Senior Insp. Josephine Cuartero, hepe ng Traffice Sector 6, ang mga nasawi na sina Christian Calleja y Abarca, 30, electrician; at Jennelyn Reyes y Atleda, 22, kapwa taga-Parokya ng Pagkabuhay, Bgy. Bagbag, Novaliches.

Hindi na naisalba ang buhay ng mag-asawa dahil sa tinamong third degree burn ni Calleja, habang tumilapon naman, nabagok ang ulo, at nalasog ang katawan ni Reyes.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad si Larrybrent Reyes, 44, driver ng dump truck (RTJ-369).

Lumitaw sa imbestigasyon ni PO3 Andy Sotto na dakong 12:10 ng tanghali nitong Linggo nang mangyari ang aksidente sa Congressional Avenue Extension sa Bgy. Pasong Tamo.

Matulin umanong binabaybay ng truck ang Tandang Sora Avenue at pagsapit sa Congressional Avenue sa Tierra Pura ay hindi namalayan ng driver na nahila ng loader ang nakalaylay na kable sa tatlong poste ng Meralco sa lugar.

Nagkataon naman na nakasunod sa truck ang motorsiklo ng mag-asawa, kaya nahagip ang mga ito nang bumagsak ang dalawa sa mga poste. Nabatid na nahagip pa ng live wire sa leeg si Calleja.