Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Naghain si dating Bureau of Customs (BOC) commissioner Nicanor Faeldon ng ethics complaint laban kay Senador Panfilo Lacson matapos siya nitong akusahan na sangkot sa katiwalian sa ahensiya.

Suot ang puting T-shirt na may nakasulat na “Truth is Justice” pansamantalang pinalaya si Faeldon sa Senate Office of the Sergeant at Arms (OSAA) kahapon para maisampa niya ang reklamo laban kay Lacson kasama si Atty. Jose Diño.

Sinabi ni Faeldon na buwelta niya ito kay Lacson sa pagdawit sa kanya sa mga kontrobersiya, partikular sa “tara” system sa BOC.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa privilege speech ni Lacson na pinamagatang “Kita Kita sa Customs” noong Agosto 23, sinabi ng senador na ang nagbitiw na BOC chief at tumanggap ng P75 milyon bilang “welcome gift” nang maupo siya sa puwesto.

Sinabi ni Faeldon na inihahanda na rin niya ang ethics complaint laban naman kay Sen. Antonio Trillanes IV, na aniya ay “at the heart” ng paglabas ng P6.4-bilyong shabu shipment mula Xiamen, China na nasamsam sa Valenzuela City noong Mayo.

Sa pitong minutong briefing matapos niyang ihain ang kaso, tinawag ni Faeldon si Lacson na sinungaling at iginiit na inosente siya sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.

“You are a liar. All your accusations against me are lies. Chief PNP ka dati, you should know better, how to handle investigatons,” aniya.

Binira rin niya ang paggamit ni Lacson sa immunity at privilege speech nito para isangkot siya sa “tara” system.

“The immunity does not guarantee, does not allow them that they can lie, that they can go over the rights of innocent people like me...Pinapayagan ba yun ng immunity nila?,” aniya sa mamamahayag.

Sa kanyang 15-pahinang reklamo, hiniling ni Faeldon sa Senate Ethics Committee na obligahin si Lacson na maglabags ng mga ebidensiya para suportahan ang mga alegasyon nito, na aniya ay walang mapapatunayan.

“Definitely you can’t, because kasinungalingan,” ani Faeldon.

Sa panig ni Lacson, sinabi niyang “good luck” na lang kay Faeldon.

“Good luck to him. And sabi ko na rin, that’s his right... He can file and file and file and file,” ani Lacson nang kunan ng komento ng mga mamamahayag.

Sinabi niyang maghahain din siya ng kasong criminal laban kay Faeldon sa Office of the Ombudsman.