Nina BETH CAMIA at ROMMEL TABBAD, May ulat ni Czarina Nicole O. Ong

Makalipas ang tatlong taon, pormal nang nakalabas kahapon ng tanghali mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame si dating Senador Jinggoy Estrada matapos niyang matanggap ang release order mula sa Sandiganbayan makaraan siyang magbayad ng P1.3-milyon piyansa.

Former Senator Jinggoy Estrada, hugs his mother Dr. Loi Ejercito as his father former President now Manila Mayor Jospeh Estrada, brother Jude and sister Jacky looks on as he meets them in a restaurant in San Juan City after  posting bail for his grfat and plunder charges in connection withe Pork Barrel Scam or PDAF scam, at the Sandiganbayan in Quezon City, September 16, 2017. He posted a total of P1.3 million bail. (Mark Balmores)
Former Senator Jinggoy Estrada, hugs his mother Dr. Loi Ejercito as his father former President now Manila Mayor Jospeh Estrada, brother Jude and sister Jacky looks on as he meets them in a restaurant in San Juan City after posting bail for his grfat and plunder charges in connection withe Pork Barrel Scam or PDAF scam, at the Sandiganbayan in Quezon City, September 16, 2017. He posted a total of P1.3 million bail. (Mark Balmores)

Mag-aalas onse ng umaga nang ilabas ang isang-pahinang kautusan na pirmado ni Associate Justice Edgardo Caldona ng 5th Division na nagpapawalang-bisa sa arrest order laban kay Estrada, at maaari na itong pansamantalang makalaya.

Mga Pagdiriwang

EXCLUSIVE: Pasukin ang ‘biggest toy and pop culture event’ sa bansa

Ito ay matapos na magbayad ng P1.3 milyon piyansa ang mga abogado ng dating senador, sa pangunguna ni Atty. Alexis Suarez, sa mga kasong plunder at graft, na may kabuuang halaga na P1,330,000—P1 milyon para sa plunder, at P330,000 para sa kabuuang 11 bilang ng graft.

Bandang 12:39 ng tanghali kahapon nang bago lumabas sa Custodial Center ay sinuri muna si Estrada ng mga doktor ng PNP General Hospital bilang parte ng final check-up sa kanya.

Kasama ni Estrada mula sa Camp Crame ang kanyang asawang si Precy at mga anak na sina San Juan City Vice Mayor Janella, Julian Emilio, Joseph Luis Manuel, at Julienne. Kasama rin niya ang kapatid na si Jude.

Nang sumakay sa convoy palabas ng Crame, kumaway pa si Estrada sa kanyang mga tagasuporta, na dumayo pa para masaksihan ang kanyang paglaya makalipas ang tatlong taong pagkakapiit.

DASAL PARA KAY BONG

“Nagpapasalamat ako sa mga nagdasal para rito, para makalaya ako,” sinabi ni Estrada sa mga miyembro ng media.

“Idinarasal ko rin na sana ay makapag-bail na rin si Sen. Bong Revilla.”

Gaya ni Estrada, nakulong din sa PNP Custodial Center ang matalik na kaibigan at kapwa dating senador na si Revilla dahil sa pagkakasangkot sa “pork barrel” scam noong 2014. Nahaharap din sa kaparehong kaso si dating Senador Juan Ponce Enrile, na unang pinayagan ng Sandiganbayan na magpiyansa.

Akusado si Estrada sa umano’y ilegal na paggamit sa P183 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na sinasabing napunta sa mga pekeng non-government organization (NGO) ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.

Bagamat walang piyansa ang plunder, nagdesisyon kamakailan ang Sandiganbayan Fifth Division sa botong 3-2 at pinayagang pansamantalang makalaya si Estrada. Ayon sa korte, mahina ang ebidensiya ng prosekusyon laban sa dating senador, at hindi ito ang “main plunderer” sa kaso.

‘WALA NANG GUWARDIYA’

Mula sa Camp Crame, bandang 1:05 ng hapon ay nagtungo si Estrada sa Sandiganbayan para tapusin ang kanyang bailing procedure, gaya ng finger printing at paglagda sa ilang dokumento kaugnay ng pagpipiyansa.

“Free man na ako. Pagpunta ko dito sa Sandiganbayan, wala nang guwardiya sa likod ko, sa harap ko, sa tagiliran ko.

I’m a free man already, but I will religiously attend the hearings of my plunder case,” pahayag ni Estrada.

Iginiit din niyang walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya. “I deny all the allegations against me. Wala po akong ninakaw,” ani Estrada.

NANANGHALI, NAGSIMBA

Pagkatapos sa Sandiganbayan ay nagtungo sa isang restaurant ang pamilya si Estrada para sa pananghalian. Doon ay mainit siyang sinalubong ng iba pang miyembro ng kanyang pamilya, sa pangunguna ng mga magulang niyang sina dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada at dating Senador Loi Ejercito.

Dumiretso rin sa Pinaglabanan Church sa San Juan City ang buong pamilya Estrada para dumalo sa thanksgiving mass para kay Jinggoy.