Ni: Mary Ann Santiago
Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong mameke ng dokumento para sa insurance claim sa naganap na aksidente sa Barangay San Antonio, Pasig City kamakalawa.
Nakatakdang sampahan ng kasong estafa (falsification of public documents) sina Andres Fernandez at Sherwin John Amposta sa pagpiprisinta ng mga pekeng dokumento sa pagki-claim ng pera mula sa isang insurance company.
Sa ulat ng Pasig City Police, inaresto ang mga suspek habang tinatanggap ang P400,000 insurance money, na ginamitan ng mga pekeng dokumento, sa Robinsons Equitable Tower, ADB Avenue sa Barangay San Antonio, bandang 4:30 ng hapon kamakalawa.
Una rito, nasangkot sa aksidente ang taxi ni Fernandez, Toyota Vios (ABQ-1049), sa San Andres, Quezon Province noong Abril 29 ng kasalukuyang taon.
Minamaneho umano ni Arsenio Gumapac ang taxi ni Fernandez, sakay ang pasaherong si Marlo Gumapac, nang maaksidente ang mga ito at kapwa nasawi.
Inasikaso ng mga suspek ang mga dokumento para sa pagki-claim ng insurance ng mga biktima at isinumite ang mga ito sa isang insurance company, ngunit nadiskubreng mga peke.
Agad humingi ng tulong ang insurance company sa Pasig City Police at ipinaaresto ang mga suspek.