Ni: Beth Camia
Hindi masagot ni Peace Process Adviser Secretary Jesus Dureza kung may pag-asa pang matuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang peace talks sa rebeldeng grupo dahil sa pag-atake ng mga ito sa mga puwersa ng pamahalaan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Dureza, nananatili pa rin ang desisyon ni Pangulong Duterte na itigil ang pakikipag-usap sa mga rebelde at hindi niya masabi kung maaari pang matuloy ang pag-uusap.
Sinabi ni Dureza na patuloy na umiiral ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nagbibigay ng immunity sa mga pinalayang miyembro ng rebeldeng grupo.