LOS ANGELES (Reuters) – Ang celebrity-packed telethon para sa mga biktima ng Hurricanes Harvey at Irma ay lumikom ng $44 milyon, pahayag ng organizers nitong Miyerkules, nang magsanib-puwersa ang mahigit 130 bituin kabilang sina George Clooney, Beyonce, Oprah Winfrey, Leonardo DiCaprio, Julia Roberts, Reese Witherspoon, Hillary Duff, Selena Gomez at Justin Bieber para umawit, sumagot sa mga tawag sa telepono, o manawagan ng donasyon.

Ang isang oras na Hand in Hand telethon, na napanood sa broadcast, cable at digital platforms noong Martes ng gabi, ay lumikom ng mahigit $14 milyon sa live broadcast.
Sinabi ng organizers nitong Miyerkules na umakyat ang kabuuang nalikom sa $44M pledges pagkatapos ng West Coast at iba pang re-broadcasts.
Sinalanta ng Irma, isa sa pinakamalakas na bagyong dumaan sa Atlantic Ocean, ang ilang isla sa northern Caribbean, at pumatay ng 68 katao. Humagupit ito sa Florida Keys noong Linggo, na 90 porsiyento ng kabahayan ang pinaniniwalang nasira o nawasak.
Sa pamamagitan ng taped message ay nagsalita si Beyonce, na kailangan ng agarang supplies sa kanyang bayan sa Houston dahil sa pagtama ng Harvey, ang pinakamalakas na bagyong sumalanta sa Texas sa loob ng mahigit 50 taon, na ikinamatay ng mahigit 80 katao, mahigit 1 milyon ang lumikas at 203,000 kabahayan ang nawasak.
Sa show, sinabi ni Stephen Colbert na nagkaloob ang Apple Inc. ng $5 million, na biro ng komedyante, “is also the price of the new iPhone.”
Ipinalabas ang telethon mula New York, Nashville at Los Angeles, na binuksan ni Stevie Wonder sa pamamagitan ng pag-awit ng Lean On Me, kasama ang isang gospel choir habang pumapalakpak ang mga bituing kinabibilangan nina Tom Hanks, Barbra Streisand at Cher na nakaupo sa kanilang phone stations.