Ni: Mary Ann Santiago

Maagang dumanas ng tatlong magkakasunod na aberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT)-3 kahapon.

Sa abiso ng MRT-3 sa Twitter account nito, nabatid na dakong 6:17 ng umaga nang unang makaranas ng aberya ang isa nilang tren dahil sa technical problem.

Umabot ng Category 3 ang status ng biyahe ng tren, na nangangahulugan na inalis ang tren nang walang kapalit.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pinababa rin ang lahat ng pasahero sa Quezon Avenue Station southbound at pinasakay na lamang sa kasunod na tren.

Pagsapit naman ng 6:43 ng umaga ay itinaas ng MRT-3 ang status ng tren sa Category 4 dahil sa panibagong technical problem kaya kinailangang magpatupad ng provisional service at nilimitahan ang biyahe ng mga tren mula sa Shaw Boulevard Station hanggang Taft Station lamang at pabalik.

Kaagad din namang binawi ang provisional service ganap na 6:51 ng umaga o makalipas lamang ang walong minuto.

Gayunman, muling nalimitahan ang operasyon ng tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue at pabalik dakong 8:51 ng umaga.

Ayon sa MRT-3, sirang riles ang dahilan ang problema.