Ni: Mary Ann Santiago
Isang 37-anyos na tindera ang pinatay sa saksak ng kanyang amain nang magalit ito matapos umano niyang ipaubaya dito ang pagpapaaral sa kanyang stepsister, na anak ng suspek, sa Port Area, Manila, nitong Linggo ng gabi.
Naisugod pa sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center si Ginalyn Serdoncillo, 37, ng Block 15-B, Baseco Compound, ngunit dead on arrival ito dahil sa mga natamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad si Benito Serdoncillo, 50, tile setter, ng Block 15-V, Baseco Compound.
Sa imbestigasyon ni PO3 Roderick Magpale, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 8:30 ng gabi nang mangyari ang krimen sa harapan ng tindahan ni Ginalyn sa isang eskinita sa Block 15-B.
Nabatid na mag-isang nakaupo sa bangko sa tapat ng kanyang tindahan ang biktima nang biglang dumating ang suspek at kinumpronta ang babae matapos umanong tuluyan nang ipaubaya ni Ginalyn kay Benito ang pagpapaaral sa kanyang 16-anyos na stepsister na anak ng suspek.
Batay sa salaysay ng dalagita na nakasaksi sa insidente, nagtalo ang dalawa at nagkamurahan hanggang sa suntukin umano ni Benito sa mukha si Ginalyn, na nawalan ng balanse, tuluyang nabuwal hanggang pagsasaksakin ng suspek.
Mabilis na tumakas si Benito.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na matagal nang may alitan ang suspek at biktima na bukod sa mag-amain ay magbayaw pa, dahil ang asawa ni Ginalyn ay kapatid ni Benito.