Ni: Clemen Bautista

IPINAGDIWANG at ginunita kahapon, Setyembre 8, ng Simbahang Katoliko ang Kaarawan ng Mahal na Birheng Maria—ang Patroness ng Pilipinas na tinatawag na Pueblo Amante de Maria o Bansang Minahal ni Maria. Ito ay paglalarawan sa Pilipinas na nagpapakita ng malalim na relasyon kay Maria bilang Ina ng Tagapagligtas, tagapamagitan kay Jesus, at mediatrix ng mga biyaya.

Sa kalendaryo ng Simbahan, dalawang santo lamang ang ipinagdiriwang ng kaarawan. Una ay ang kay San Juan Bautista, Hunyo 24; at ang kay Maria, Setyembre 8.

Sa pagdiriwang kahapon ng kaarawan ng Mahal na Birhen, tampok na bahagi ang mga misa sa umaga at gabi sa iba’t ibang parokya sa buong Pilipinas tulad sa mga bayan na sakop ng Diocese ng Antipolo. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Grand Marian procession. Sa Angono, nasa 48 imahen ng Mahal na Birhen ang itinampok sa Grand Marian procession. Nilahukan ang prusisyon ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan, miyembro ng mga religious organization, tulad ng Legion of Mary, at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen. Maraming religious congregation na muling nagsagawa ng religious vow upang maging matibay ang kanilang pag-ibig at pangako kay Maria.

Sa kasaysayan, ang Mahal na Birhen ay isinilang sa Nazareth noong 20 B.C. Siya ang natatanging anak nina San Joaquin at Sta. Ana. Siya ay isinilang upang maging Ina ng Tagapagligtas ng sangkatauhan. Si Maria ay ipinaglihi at isinilang na puspos ng kalinisan at puno ng grasya. Ang pagsilang ni Maria ay itinuturing na bukang-liwayway ng sangkatauhan sapagkat siya ang napiling maging Ina ng Mananakop.

Sa ating Bayang Magiliw at Perlas ng Silanganan, ang Mahal na Birhen ay bahagi at buhay at pag-ibig ng mga Pilipino. Tinatawagan at tagapamagitan sa Diyos sa lahat ng panahon. Sa kapayapaan, dalamhati, kabiguan, tagumpay, kalamidad, mga pagsubok at krisis sa buhay.

Kung si Maria ay naging kasangkapan ng Diyos upang siya’y lumapit sa atin, si Maria rin ang ating daan upang mapalapit tayo sa Diyos. Ang tunay na pamimintuho sa Mahal na Ina ng Diyos ay natutungo sa pagtupad ng kalooban ng kanyang anak. Sa ating makabagong panahon, ang Mahal na Birhen ay maihahalintulad sa kababaihang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan. Tulad ng kanyang “Magnificat” na nagsasaad ng kagalakan sa pagkakaroon ng Mananakop o Tagapagligtas ng mga naaapi.

Sa iniibig nating Pilipinas, may 830 parokya at kapilya na ang Mahal na Birhen ang patroness. Hindi pa kabilang dito ang mga kapilya sa barangay religious oratories at mga pribadong sanktuwaryo ang iniaalay kay Mama Mary. Bukod sa mga nabanggit, may mga dambana o shrine ang inaalay din kay Maria na nakilala bilang mga pook ng mga national pilgrimage o pambansang paglalakbay at sentro ng debosyon. Ilan sa mga ito ay ang Our Lady of Piat, sa Cagayan Valley; Our Lady of Manaoag sa Pangasinan; Our Lady Ina ng Poon Bato, sa Zambales; Our Lady of Salambao sa Obando, Bulacan; Our Lady of Peace and Good Voyage, sa Antipolo; Our Lady of Caysasay sa Taal, Batangas; Our Lady of Peñafrancia, sa Naga City; Nuestra Señora de la Candelaria, sa Iloilo; Our Lady of Fort Pillar, sa Zamboanga at iba pa.

Mag-alay tayo ng mga espesyal na panalangin sa Mahal na Birhen at hilingin na ipagkaloob ang kapayapaan sa ating bansa at sa daigdig.