Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinasabotahe ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng magkakasunod na pagpatay sa tatlong teenager, kabilang ang sinabi niyang kamag-anak niya na si Carl Angelo Arnaiz, na pinatay sa isang police operation sa Caloocan City noong nakaraang buwan.

Sa kanyang speech sa Digos City, Davao del Sur kagabi, inatasan ni Duterte si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na masusing pag-aralan ang mga nangyayari sa PNP dahil mistula, aniya, na sinasadya ang mga pagpatay.

“Silipin mong mabuti kasi sinasabotahe kayo. Sinasadya talaga ‘yan,” mensahe ni Duterte kay dela Rosa.

BALITAnaw

BALITAnaw: Paano nga ba nagsimula ang 'World Smile Day?'

Ipinagtanggol din ng Pangulo ang pulisya sa pagkamatay ng 14-anyos na kasama ni Arnaiz na si Reynaldo “Kulot” De Guzman, na 28 beses na sinaksak, binugbog bago pinalutang sa sapa sa Gapan City, Nueva Ecija habang nakabalot ng packaging tape ang ulo.

“Alam ko ang pulis magbaril ‘yan, if at all, o sabihin mo extrajudicial killings, pero hindi magbalot ‘yan ng [tao],” giit ni Duterte. “That is not the job of the police. Anak ng… So, meron d’yan nagsasabotahe,” dagdag ng Presidente.

Paliwanag ni Duterte, sinasadya ang mga pagpatay upang sirain ang imahe ng PNP at ng kanyang drug war dahil wala aniyang dahilan upang utusan niya ang mga pulis na patayin ang sarili niyang mga kaanak.

“One of them [mga napatay na teenager] was my relative. Carl Angelo Arnaiz. Why would I want him dead?” sabi ni Duterte. “May nagluluto somewhere to discredit us.”

Napaulat na ang ama ng 19-anyos na si Carl na si Carlito, na nagmula sa Maasin, Leyte, ay kaanak ni Duterte sa mother side. Kinausap ni Duterte ang mga magulang ni Carl sa Malacañang nitong Miyerkules.

Bago napatay sina Carl at Kulot, tatlong pulis-Caloocan ang sinasabing pumatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos nitong Agosto 16.

Samantala, pinayuhan ng Pangulo ang PNP na huwag na lamang pansinin ang mga nagpoprotesta laban sa kanila at ituloy lang ang pagganap sa kanilang tungkulin.

“During massive rally gusto ko sa police taga-traffic. Hayaan mo silang magsisigaw. Give them the space, ‘wag mo patulan,” sinabi ni Duterte sa mga pulis. “Let them. There’s never been [such] policy.”

Gayunman, nilinaw ni Duterte na hindi niya kukunsintihin ang mga tiwaling pulis, partikular ang mga pumapatay ng mga inosente.