Ni: Orly L. Barcala

Patay ang umano’y lider ng sindikato nang makipagbarilan sa mga pulis, at isa mga ito ay kanyang napatay, sa Caloocan City kamakalawa.

Sa report kay Police Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, dead on the spot si Jayson Dela Cruz, alyas Jason Killer, 29, ng Barangay 175, North Caloocan City, sa tinamong mga bala sa ulo at katawan.

Namatay din habang nilalapatan ng lunas si PO3 Junior Hilario, ng North Caloocan Police Extension, sa tinamong bala ng caliber 45 sa ulo na tumagos sa kanyang tenga.

Politics

Sen. Imee, ikinokonsidera daw maging Senate President?

Ayon kay Modequillo, matagal nang wanted si Dela Cruz sa kanilang lugar at hawak nito ang isang sindikato ng ilegal na droga at gun-for-hire.

Nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na namataan ang suspek sa kanyang bahay at tuluyang ikinasa ang operasyon, dakong 11:45 ng gabi.

“Nakasara ‘yung bahay ng suspek kaya kailangan nilang i-ram ito para mabuksan,” ani Modequillo.

Sa pagpasok ni PO3 Hilario sa bahay ng suspek, pinagbabaril siya ni Dela Cruz hanggang sa bumulagta kaya gumanti ang mga kasamahan ng pulis at pinagbabaril ang suspek.

Narekober mula sa bahay ni Dela Cruz ang isang caliber 45, mga bala ng baril, hindi madeterminang dami ng umano’y shabu at replica ng mga baril.