Nina JEL SANTOS, JUN FABON, VANNE ELAINE TERRAZOLA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Ipinagdiinan kahapon ng Public Attorney’s Office (PAO) na ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” De Guzman, na huling nakitang kasama si Carl Angelo Arnaiz bago sila nawala, ay tinorture bago sinaksak ng 28 beses.

Si De Guzman, na huling namataang kasama si Arnaiz sa Cainta, Rizal, ay lumutang sa isang ilog sa Gapan, Nueva Ecija.

Natagpuan ng mga residente ang kanyang mga bangkay nitong Martes ng umaga.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Nitong Miyerkules, nagtungo sa isang morgue sa Gapan ang pamilya De Guzman matapos nilang makatanggap ng impormasyon na isang binatilyo na nasa edad 14-15 ang natagpuang patay. Dito kinumpirma ng magulang ni De Guzman ang kanyang bangkay.

Si Arnaiz, 19, dating University of the Philippines (UP) student, ay pinatay ng mga pulis matapos umanong manlaban sa panghoholdap sa isang taxi driver sa C3 Road sa Barangay 28, Caloocan City noong Agosto 18. Makalipas ang ilang araw, siya ay natagpuan ng kanyang pamilya sa isang morgue sa Caloocan City. Binaril ni Arnaiz ang mga pulis, ayon sa Caloocan police.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, forensic laboratory director ng PAO, tinorture muna si De Guzman bago sinaksak ng 28 beses.

Samantala, sa imbestigasyon ng mga pulis, nasa 31 saksak ang tinamo ng katawan ni De Guzman.

“Pinagsusuntok siya... Namaga ang kanyang dalawang mata, at bibig. Mukhang pinalo ng something pa ito dahil ung kilay niya sa kanan ay natanggalan ng buhok ang eyelash niya,” pahayag ni Erfe sa Balita.

Sinabi rin niya na nasa 12 hanggang 24 oras nang patay si De Guzman bago nadiskubre ang kanyang bangkay.

“Ang estimate namin base doon sa body niya ay between 9 p.m. (Lunes) to 3 a.m. (Martes) siya tinapon doon sa tubig,” aniya.

Ayon sa forensic expert, patay na si De Guzman nang muling pagsasaksakin ng 23 hanggang 25 beses.

“Ang re-construction namin na ginawa ay binugbog muna siya tapos sinaksak siya nang dalawa o tatlong beses tapos dun siya namatay. And then patay na siya nung, tinransport siya tapos pinagsasaksak ulit siya around 23 to 25 times,” ayon kay Erfe.

Ang taong nasa likod nito, ayon kay Erfe, ay galit na galit kay De Guzman dahil sa lalim ng mga saksak na tinamo nito.

IMBESTIGASYON UTOS NI POE

Ipinag-utos ni Senador Grace Poe ang imbestigasyon sa pagkamatay ng mga teenager sa war on drugs ng administrasyon.

Naghain kamakalawa si Poe, vice chair ng Senate public order and dangerous drugs, ng resolusyon na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng menor de edad at teenager.

“It is imperative to determine whether these killings were arbitrary executions caused by excessive, disproportionate and illegitimate use of force of law by law enforcement officers,” base sa resolusyon ni Poe.

PAGPATAY SA MGA BINATILYO KINONDENA NG PALASYO

Kinondena kahapon ng Malacañang ang kahina-hinalang pagkamatay ng mga teenager na umano’y kagagawan ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kaisa ang Malacañang sa pagkondena sa pagpatay sa mga teenager at siniguro na ang Ehekutibo, sa pamamagitan ng PNP, ay makikipagtulungan sa imbestigasyon.