Nina FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD

Na-rescue ng militar ang dalawang Indonesian na nakatakas sa dumukot ditong Abu Sayyaf Group kasunod ng engkuwentro ng mga bandido sa militar na ikinasawi ng lima sa grupo habang limang sundalo naman ang nasugatan sa Talipao, Sulu, kahapon ng umaga.

Ayon sa report ng Task Force Sulu, nakasagupa ng mga tauhan ng 41st Infantry Battalion ang nasa 20 bandido sa ilalim ni Idang Susukan, sa Barangay Upper Binuang sa Talipao, dakong 6:00 ng umaga.

Nasawi sa bakbakan ang limang miyembro ng Abu Sayyaf, at nasamsam ang tatlong matataas na kalibre ng baril.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Limang sundalo naman ang nasugatan sa engkuwentro.

Makalipas ng kalahating oras, dalawang Indonesian na bihag ng Abu Sayyaf ang natagpuan ng militar sa Bgy. Bunot sa Indanan habang sakay sa isang Tamaraw FX.

Kinilala ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Sulu, ang mga nailigtas na bihag na sina Saparuddin Koni at Sawal Maryam.

Kaagad na dinala ang dalawa sa KHTB (Kuta Heneral Teofilo Bautista) Station Hospital at isinailalim sa custodial debriefing sa Jolo.

Sinabi ni Sobejana na inaalam pa nila kung nakatakas o pinalaya ng Abu Sayyaf ang dalawang banyaga.

Matatandaang Nobyembre 19, 2016 nang dukutin ng Abu Sayyaf ang dalawang Indonesian habang sakay sa bangka sa karagatan ng Sabah, Malaysia.