Humingi ng paumanhin si Sen. Erwin Tulfo sa kaniyang mga kasamahan sa Senado dahil sa kaniyang mga naging pahayag na aniya’y nagpalala sa tensyon sa naturang institusyon at nagdulot ng pagkaantala sa ilang mahahalagang panukalang batas.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Hunyo 7, 2026, sinabi ni Tulfo na kinikilala niya ang dignidad ng institusyong kaniyang kinabibilangan.
“In recognition of the high institution to which I belong, I sincerely apologize to my colleagues for my aggressive remarks regarding the arrest, manhandling, and dragging of Senator Cayetano and other individuals out of the session or plenary hall,” ani Tulfo.
“This is not how an official, much less a senator, should behave,” dagdag niya.
Ayon kay Tulfo, ang umiiral na alitan sa Senado ay nakaapekto sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang mga mambabatas at nagkaroon ng epekto sa publiko.
“I also ask forgiveness from our countrymen. Because of recent clashes, the session ended without advancing crucial legislation,” aniya.
Noong Biyernes, Hunyo 5, sinabi ni Tulfo na ipaaaresto niya ang sinumang senador na magsasagawa ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee maliban sa pagdinig na kaniyang ipapatawag bilang chairman ng komite.
Iginiit niya na siya ang lehitimong chairman ng komite at siya lamang ang may kapangyarihang magpatawag ng imbestigasyong lehislatibo sa ilalim nito.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng isinagawang pagdinig ng blue ribbon committee noong Huwebes, Hunyo 4 ng paksyong pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa naturang pagdinig, humarap ang 18-ex Marines na umano’y nagtrabaho para kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at nagsabing naghatid sila ng mga maleta ng salapi sa ilang pulitiko.
Nanawagan din si Tulfo sa kaniyang mga kapwa senador na wakasan ang hidwaan at muling pagtuunan ng pansin ang kanilang trabaho bilang mga mambabatas.
“Let's craft laws, investigate irregularities without fear, and put every Filipino's welfare first. Unity doesn't mean backing down from the fight—it means joining forces to protect our nation,” aniya.
“In these trying times for our nation, let's set aside personal interests. Let's win this for the Filipino people. Let's unite to restore the Senate's integrity and strength,” dagdag pa niya.