June 07, 2026

Home BALITA

3 OFW, kumpirmadong nadamay sa pag-atake sa airport sa Kuwait—DMW

3 OFW, kumpirmadong nadamay sa pag-atake sa airport sa Kuwait—DMW
Photo courtesy: AP News

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo, Hunyo 7 na nagpapagaling na ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nasugatan sa pag-atake sa Kuwait International Airport noong Hunyo 3.

Sa isang press briefing, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na walang Pilipinong nasawi sa drone strike, bagama’t tatlong OFW na nagtatrabaho sa paliparan ang nagtamo ng pinsala.

“No Filipino fatality during the attack… There are three who are injured… One was taken out of the hospital [already] after smoke inhalation, and two were outpatients, na nakalabas na rin,” ani Cacdac.

Ayon sa kalihim, isa sa mga outpatient ang nagtamo ng sugat sa anit at braso at kinailangang tahiin.

Samantala, ang isa pang outpatient na nakaranas din ng smoke inhalation ay nagtamo ng bahagyang congestion sa baga.

Politics

Palasyo, nanindigang liderato lang ni Sen. Gatchalian ang kikilanin ng Ehekutibo!

Sinabi ni Cacdac na nakabalik na sa kanilang mga tirahan sa Kuwait ang dalawang OFW at patuloy na nagpapagaling.

Nagsimula ang palitan ng mga pag-atake sa Gitnang Silangan noong Pebrero 28 matapos magsagawa ng mga pag-atake ang United States at Israel laban sa Iran. 

Gumanti kalaunan ang Tehran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base ng Amerika sa rehiyon.

Nabigo rin ang dalawang linggong tigil-putukan na inilatag upang bigyang-daan ang negosasyon noong Abril matapos hindi magkasundo ang Estados Unidos at Iran.

Inakusahan ng Iran ang US na unang lumabag sa tigil-putukan bago ito naglunsad ng mga missile attack laban sa Kuwait at Bahrain.

Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ng Pilipinas ang kalagayan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.