Ni: Celo Lagmay
SA magkakahiwalay na pagdinig o public hearing sa Kongreso hinggil sa talamak na illegal drugs, laging nalalantad ang nakakikilabot at iba’t ibang anyo ng pagpaslang sa sinasabing mga sangkot sa nabanggit na kasumpa-sumpang bisyo.
Hindi lamang mga user, pusher, at drug lord ang napapatay o pinapatay kundi maging ang mga kriminal na tulad ng holdaper, karnaper at iba pa. Bukod sa mga narco-politicians, hindi ba ang ating mga kapatid sa media – lalo na ang mga biktima ng kahindik-hindik na Maguindanao massacre na kumitil sa buhay ng 32 mamamahayag – ay pinatay nang walang kalaban-laban?
Maaaring ang gayong malupit na pagpaslang sa sinasabing sangkot sa illegal drugs ay katanggap-tanggap sa ating mga alagad ng batas, sa Philippine National Police (PNP). Ibig sabihin, kailangang may mamatay lalo na kung manlalaban ang mga suspek. Tulad ng laging ipinahihiwatig ni Pangulong Duterte, dapat lamang ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili laban sa anumang panganib.
Palibhasa’y naging biktima na ng karumal-dumal na pagpaslang, taliwas ang aking paniniwala sa gayong sistema ng paglipol sa bawal na droga.
Ang walang habas na pagpatay sa mga drug suspect ay naghahatid ng nakakikilabot na hudyat sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga mapagmahal sa katahimikan at katarungan.
Ang nakapagdududang pagpaslang kina Carl Arnaiz at Kian delos Santos, halimbawa, ay natitiyak kong nagdulot ng matinding batik sa drug operation ng PNP. Bagamat kailangang ipaubaya na lamang sa husgado ang pagtuklas ng katotohanan, hindi mapapawi sa aking kamalayan ang walang pakundangan at malagim na pagpuksa ng illegal drugs.
Biglang gumitaw sa aking utak ang nakapanghihilakbot na eksena tuwing ako ay napapadaan sa aming munisipyo sa Zaragoza, Nueva Ecija pagkatapos kong makapagtinda ng pandesal: Nakahandusay ang bangkay ng hinihinalang mga Hukbalahap na napapatay ng mga sundalo. Ang mga Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa mga Hapon) ang sinasabing kahambing ngayon ng New People’s Army (NPA).
Malimit naming nasasaksihan ang gayong mga eksena, maraming taon na ang nakalilipas.
Lagi rin nating natutunghayan sa mga media outfit ang mga ulat hinggil naman sa pagpaslang sa...mga pulitiko; kahit na sa mga simbahan at iba pang sagradong lugar ay nagaganap ang gayong malagim na eksena.
Sa bahaging ito, paanong mabubura sa aking utak ang pataksil na pagpatay sa aking bunsong kapatid – kasama ang tatlong iba pa – marami na ring taon ang nakararaan. Sabay-sabay silang pinaslang. Ang naturang kahindik-hindik na eksena na tinaguriang noontime massacre ang pinakamalagim na pagpaslang sa aming bayan.