Ni: Alexandria Dennise San Juan
Isang lalaki na nagpakilala lamang sa mga lalaking naghahanap sa kanya ang ibinulagta sa harap ng kanyang anak sa loob ng kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Julius Balbuena, imbestigador ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima na si Jun Macayero, 38, ng Kalinisan Street, Barangay Gulod.
Ayon sa 20 anyos na anak ni Macayero, si John Paul, natutulog na ang kanilang pamilya nang makarinig nang malalakas na katok habang tinatawag ang pangalan ng kanyang ama, dakong 9:30 ng gabi.
Sa pagbukas ni John Paul ng pinto, apat na lalaki na pawang naka-bonnet at face mask ang bumungad sa kanya at hinahanap ang kanyang ama. Isa umano sa mga suspek ang biglang nanuntok sa tiyan si John Paul.
Matapos marinig ang pagtatalo, lumabas si Macayero at ipinakilala ang sarili sa mga suspek.
Dito na pinagbabaril ng isa sa mga suspek ang biktima at tuluyang tumakas.
Agad nasawi si Macayero.
Ayon kay Balbuena, sinabi ni John Paul na ang kanyang ama ay isang drug surrenderee sa kanilang barangay noong nakaraang taon.