Nina BETH CAMIA at JEFFREY G. DAMICOG
Katulad ni Carl Angelo Arnaiz, bangkay na rin nang matagpuan ang nawawala niyang kasama na si Reynaldo de Guzman, 14, na kapwa huling nakita sa Cainta, Rizal.
Positibong kinilala kahapon ni Ricardo de Guzman ang bangkay ng anak habang nakalagak sa isang punerarya sa Barangay San Roque, Gapan City, Nueva Ecija.
Hindi na napigilan ni Ricardo ang kanyang luha nang makitang may balat sa kaliwang leeg at kulugo sa kaliwang tuhod ang bangkay na tanda na si Reynaldo ito.
Ayon sa pulisya, natagpuang palutang-lutang sa ilog ng Lumang Kinabayuhan ang bangkay ni Reynaldo, na may 30 saksak sa katawan at nakabalot sa packaging tape ang mukha, sa Gapan City, Nueva Ecija kamakalawa.
Matatandaang una nang ipinag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa National Bureau of Investigation na kumilos sa pagkawala ni Reynaldo.
“Kasama na ‘yun sa order ko sa NBI na i-locate nila ang nawawala” ani Aguirre.
Huling namataan sina Arnaiz at De Guzman, kapwa nakatira sa San Andres, Cainta, Rizal, habang bumibili ng makakain sa kanilang kapitbahay.
Matapos i-report na nawawala, natapuan ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue sa Caloocan City noong Agosto 28.
Sinabi ng mga pulis ng Caloocan City na namatay si Arnaiz matapos manlaban habang inaaresto sa umano’y panghoholdap sa isang taxi driver nitong Agosto18.