Ni: Lyka Manalo
TANAUAN CITY, Batangas - Kapwa nakabigti at naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki at apat na taong gulang niyang anak na babae sa loob ng inuupahan nilang apartment sa Barangay Darasa sa Tanauan City, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Jonel Sales, 36; at Janelle Rose Sales, day care student.
Ayon kay Tanauan City Police chief, Supt. Audie Madrideo, dakong 8:20 ng umaga nitong Lunes nang natagpuan ng kaanak ang bangkay ng mag-ama dahil sa umaalingasaw na amoy ng mga ito.
“Posibleng binigti muna nung ama ‘yung anak bago siya nagbigti sa sarili,” ayon kay Madrideo.
May narekober din umanong mga bote ng alak sa loob ng bahay, kaya posibleng lasing ang ama nang gawin ang krimen.
Ayon pa kay Madrideo, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Jonel sa asawa nitong nasa ibang bansa bago isinagawa ang pagbibigti.