Ni: Leonel M. Abasola

Iginiit ni Senador AntonioTrillanes IV na may sapat siyang ebidensiya laban sa magbayaw na sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio na nag-uugnay sa mga ito sa ilegal na droga.

Ipinatawag ng Senate Blue Ribbon Committee and dalawa sa pagdinig bukas, Setyembre 7, at nagkumpirma na nitong Lunes ang Davao City Information Office na dadalo ang dalawa sa pagdinig.

Una nang nagpahayag ng kahandaan ang magbayaw na dumalo sa Senate hearing, pero pinayuhan sila ni Pangulong Duterte na mag-“invoke ng right to self-incrimination”.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

“Kapag pumunta sila d’yan (Senado), ibubulaga ko sa kanila ang ebidensiya sa kanila at magli-link sa kanila sa droga na ito,” sabi ni Trillanes.

Itinuro ng broker na si Mark Taguba ang magbayaw na kabilang umano sa katransaksiyon niyang “Davao Group” kaugnay ng 600 kilo na shabu, nagkakahalaga ng P6.4 bilyon, na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC).

Gayunman, kamakailan ay nilinaw ni Taguba na “hearsay” lang ang kanyang alam tungkol sa dalawa at humingi pa ng paumanhin sa mga ito, kahit pa ipinakita na nila sa pagdinig ng Senado ang mga text message tungkol sa mga ito.

Itinanggi na ng magbayaw ang paratang, habang muli namang iginiit ni Pangulong Duterte na magbibitiw siya sa puwesto kapag napatunayang sangkot sa katiwalian ang sinuman sa kanyang mga kaanak.

Matatandaang iginiit ni Trillanes na ipatawag ng komite ang nakababatang Duterte at si Carpio, na kinontra ni Senator Richard Gordon, committee chairman.

Nagkainitan pa nga ang dalawa na humantong sa paghahain ni Gordon ng ethics complaint laban kay Trillanes nitong Lunes ng gabi.

Tiwala naman si Trillanes na hindi magtatagumpay ang nasabing reklamo ni Gordon laban sa kanya.

“I am confident na 3 or 4 lang ang susuporta sa kanya. I will keep on pursuing iyong katotohanan, hindi po ako magpapatinag sa kanya,” ani Trillanes.