Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

KUNG dati ay palaging nauubusan ang publiko – mga overseas Filipino worker (OFW) at mga mamamayang gustong makabiyahe sa ibang bansa – ng appointment slot sa pagkuha ng pasaporte sa Department of Foreign Affairs (DFA), mukhang hindi na ito mangyayari ngayon sa sunud-sunod na mga pagbabago sa sistema ng pamunuan nito.

Tinanggal na ng DFA ang 1,200 appoinment slots sa pagkuha ng pasaporte, na araw-araw ay nakareserba sa mga travel agencies, at ang mga ito ay nagsilbing karagdagang slot para sa lahat na mga regular na aplikante.

Ang dating pamamaraan ay pumabor sa may-ari ng mga travel agency at umagrabyado naman sa mga kababayan nating ‘di kayang magbayad sa mga travel agency, idagdag pa ang pananamantala ng mga fixer.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Dapat lang naman kasing magsakripisyo ang lahat, gaya ng pagsasakripisyo ng mga empleyado ng DFA na tinanggalan din ng mga pribilehiyo na gumamit ng courtesy lane, dahil mas madalas umano itong inaabuso ng iba, lalo na ‘yung mga may “alaga” at “kaibigan” na mga fixer.

Sa ilalim ng bagong sistema, tanging mga miyembro ng immediate family — magulang, asawa, anak, kapatid, lolo at lola, mga apo at parents-in-law — ng mga empleyado ang maaaring makagamit ng courtesy lane.

Sabi nga ng mga nakausap kong madalas na may transaksiyon sa DFA, kapansin-pansin umano ang pagtaas ng daily slots para sa mga aplikante na dapat makagamit ng courtesy lane section simula nang isagawa ang restriction sa mga empleyado. Malaki rin umano ang pagkawala ng mga naglipanang fixer na ‘di maikakailang may mga protektor na ilang opisyal at kawani ng DFA na “naghaharimunan” gamit ang dating pribilehiyong puwede silang “makasakay” sa courtesy lane section.

Ang courtesy lane ay nilikha upang makatulong sa mga taong nangangailangan nito -- gaya ng mga senior citizen, may kapansanan, buntis, solo parent, mga nasa edad 7 pababa. May bago pa ngang nadagdag sa grupong ito – sila ang mga OFW na magtatrabaho sa ibang bansa sa unang pagkakataon.

Ayon kay Ricarte B. Abejuela III, acting director ng Passport Division ng Office of Consular Affairs, ang mga kliyente ng mga travel agency, alinsunod sa bagong patakaran ng DFA, ay dapat ding dumaan sa prosesong dinaranas ng iba pang mga aplikante na nais mag-apply o mag-renew ng kanilang pasaporte. “Gusto nating ibalik ‘yung mga appointment slots sa publiko,” wika ni Abejuela. Dagdag pa niya, hindi lamang mga travel agencies ang kinakailangang mag-adjust “for the greater good.”

Sa nakaraan kong kolum ay ibinalita ko ang pagbubukas ng DFA sa karagdagang 94,350 appointment slots, mula Hulyo hanggang Agosto, matapos taasan ang appointment quotas ng consular offices at tanggalin ang mga kahina-hinalang appointments na ginawa ng ilang gustong “maghanapbuhay” na mga empleyado. Sa buwang ito, umabot na sa 86,889 ang naidagdag na appointment slot.

Matagumpay ding naibaba ng DFA sa zero ang dati nitong backlog na 33,000 aplikasyon, habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System.

At ito ang magiging paborito ko sa mga ipinagmamalaki nila sa ngayon, kung totoong naipatutupad na ng DFA: “wala nang OFW ang magkapagsasabing hindi sila makapagtrabaho o nawalan sila ng trabaho dahil hindi sila nakakuha ng pasaporte.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]